Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. Talk ‘N Text vs Mahindra
5:15 p.m. Barako Bull vs Barangay Ginebra
NAHABLOT ng Alaska Aces ang ikalawang sunod na panalo matapos padapain ang Blackwater Elite, 87-79, sa kanilang 2015-16 PBA Philippine Cup elimination round game kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gumawa sina Chris Banchero at Vic Manuel ng tig-13 puntos para pamunuan ang Aces na biglang bumangon sa second half para mauwi ang panalo.
Samantala, apat na koponan na magmumula sa kanilang unang pagkatalo ang magsasalpukan ngayon para masungkit ang unang panalo.
Unang sasalang ang Talk ‘N Text Tropang Texters at Mahindra Enforcers na maghaharap sa ganap na alas-3 ng hapon at susundan ito ng sagupaan sa pagitan ng Barako Bull Energy at Barangay Ginebra Kings dakong alas-5:15 ng hapon.
Ang Tropang Texters ay magmumula sa kabiguang pinalasap ng Aces, 114-98, habang ang Enforcers ay nakatikim ng 108-94 pagkatalo buhat sa Rain or Shine Elasto Painters.
Manggagaling naman ang Energy buhat sa 93-85 pagkatalo sa NLEX Road Warriors habang ang Kings ay nakalasap ng 86-78 kabiguan mula sa Star Hotshots.