Apat katao ang nasawi habang tatlo pa ang malubhang nasugatan sa magkahiwalay na aksidenteng kinasangkutan ng mga bus sa Candelaria at Lucena City, Quezon, kagabi.
Patay sa unang aksidente ang retiradong pulis na si Alberto Cantos, 57, at kasama niyang si Clemente Capalaran, 53, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Minamaneho ni Cantos ang kanyang KIA Rio (WRE-726) sa bahagi ng Candelaria By-Pass Road na sakop ng Brgy. Pahinga Norte dakong alas-6:45, nang masalpok ito ng DLTB bus (AQA-6766) na dala ni Prospero Crispino, ayon sa ulat.
Sa lakas ng impact, nayupi ang harapang bahagi ng kotse at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo’y katawan sina Cantos at Capalaran.
Dinala pa ang dalawa sa Peter Paul Hospital, pero di na umabot nang buhay si Capalaran at si Cantos ay nalagutan ng hininga habang nilulunasan, ayon sa ulat.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-swerve sa kabilang lane ang bus na bumibiyahe patungong timog, kaya nasalpok ang kasalubong na kotse.
Nakaditine ngayon si Crispino sa Candelaria Police Station habang hinahandaan ng kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide and damage to property.
Ilang oras lang matapos ang aksidente sa Candelaria, dalawang tao rin ang namatay at tatlo ang malubhang nasugatan nang salpukin ng isa pang bus ang isang tricycle sa Lucena City.
Dead on arrival sa MMG Hospital ang mga sakay ng tricycle na si Joan Roxas, 37, at 65-anyos na babaeng nakilala lang sa tawag na “Glo,” ayon sa ulat.
Nagtamo ng pinsala sa iba-ibang bahagi ng katawan ang driver ng tricycle na si Ariel Cabrera, 31, at iba pa niyang sakay na sina Geremias Roa, 35, at Gen Manasterial, 33.
Sinalpok ng Philtranco bus (ABG-7601) na dala ni Romeo Manrique ang likod na bahagi ng tricycle ni Cabrera habang binabagtas ng dalawang sasakyan ang bahagi ng Diversion Road na nasa Brgy. Silangan Mayao dakong alas-11.
Bukod sa pagkasawi at pagkasugat ng mga sakay nito ay nawasak ang likod at gilid ng tricycle, habang nabasag ang windshield at front panel ng bus.
Tumakas si Manrique nang matunugan ang pagdating ng mga rumespondeng alagad ng batas, at ngayo’y hinahandaan na ng kaukulang kaso, ayon sa pulisya.