Sugatan ang 25 katao, kabilang ang isang barangay chairman, nang bumaligtad ang sinakyan nilang jeep sa Jovellar, Albay, kahapon habang patungo sa pamamanhikan, ayon sa pulisya.
Dinala ang mga sugatan, na pawang mga taga-Pili, Camarines Sur, sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ng Legazpi City para malunasan, ayon sa ulat ng Albay provincial police.
Matapos magamot ay isinailalim naman sa kostudiya ng pulisya ang driver ng jeep na si Vermie Cabaltera, chairman ng Brgy. Binobong, Pili, para sa imbestigasyon.
Naganap ang insidente dakong alas-11:20 ng umaga sa Sitio Mabungliw, Brgy. San Isidro.
Patungo noon si Cabaltera at kanyang mga sakay sa Brgy. San Roque para sa “marriage engagement rites,” o pamamanhikan, ayon sa ulat.
Lumabas sa imbestigasyon na habang binabagtas ng jeep ang isang pababa at pakurbang bahagi ng kalsada ay bigla na lang itong bumaligtad sa gilid ng daan.
Inaalam pa ang sanhi ng aksidente.