RUMESBAK kahapon si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Pangulong Aquino sa pagsasabing dapat ay magmove on na siya matapos naman ang pagbanat ng huli sa mga Marcos.
“Ang amin namang ginagawa ay hindi naghahabol ng poder kundi pinagpapatuloy lamang ang aming serbisyo sa bansa kaya hindi namin iniisip, hindi yun ang isyu para sa amin. Kaya’t hindi namin iniisip yung ganung klaseng pagbalik sa poder. Ang iniisip lang namin, ano magagawa natin para maging mas maganda ang buhay dito sa atin,” sabi ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos naang pagkakahalal ng mga Marcos sa iba’t-ibang posisyon sa gobyerno ay indikasyon na gusto pa rin sila ng mga tao.
“Siguro, yes. Binoboto kami eh [we have been vindicated,” dagdag pa ni Marcos.
Bukod sa pagiging senador ni Marcos, nahalal din si first lady Imelda Marcos bilang Ilocos Norte representative, samantalang governor naman ng Ilocos Norte ang kapatid na si Imee Marcos.
Iginiit pa ni Marcos na walang dahilan para magsori ang kanyang pamilya.
“Kung meron akong nasaktan o meron akong ginawang pagkakamali, handa naman talaga akong mag-apologize pero ano yung ipag-aapologize, sino ba ang sinaktan ko? Pero kung merong ipakita na meron akong nagawa na dahil dun merong nahirapan, nasaktan, handang-handa akong mag-apologize,”sabi pa ni Marcos.
Nauna nang sinabi ni Aquino na kumpiyansa siyang hindi iboboto ng mga botante si Marcos na tumatakbong ka-tandem ni Sen. Miriam Defensor-Santiago.
“Ang kasaysayan ay nandyan na. Hindi natin pwedeng palitan kaya’t hindi mo maitutuwid ang baluktot, hindi mo maibabaluktot ang tuwid; so pabayaan natin ang kasaysayan ang maghusga sa kanya,” ayon pa kay Marcos.