NAIPAKITA uli ni Marizel Buer ng South Cotabato ang kanyang potensyal sa throwing events sa athletics habang ang Davao City ay namayagpag sa dancesports sa pagpapatuloy kahapon ng 2015 Batang Pinoy Mindanao regional qualifying leg sa iba’t-ibang lugar sa Koronadal City.
Si Buer, na gumawa ng marka noong 2014 Palarong Pambansa sa Laguna nang nanalo ng dalawang ginto bilang isang grade six manlalaro, ay kuminang sa mga paboritong events na girls shot put (9.71m) at javelin throw (38.23m).
“Nag-practice po talaga ako para rito kaya nanalo ako,” wika ni Buer na isang Grade 8 mag-aaral sa Southern Mindanao Academy Inc.
Maglalaro pa sa discus throw, si Buer ay pasok na sa National Finals sa Cebu City sa Nobyembre at pagsisikapan din niya na mapanatili ang ginto sa shot put at pag-ibayuhin ang pilak sa javelin na nakubra noong 2014 Finals sa Bacolod City.
Isa na ring double-gold medalist sa athletics na pinaglalabanan sa South Cotabato Sports Complex si Ashley Azusada ng Zamboanga City nang nanalo sa girls’ 100m dash (13.13) matapos magkampeon sa long jump.
Patuloy din ang pagpapasikat ng tracksters mula Koronadal nang nanalo pa sina Mary Angelie Arano sa girls’ 3000m (11:46.86), Remie Jane Ealvo sa girls’ 400m hurdles (1:14.53) at Lloyd Aumada sa boys’ 1500m run (4:39.80) upang umakyat na sa lima ang kanilang gintong medalya.
Nagkaroon man ng pagbabago sa alituntunin sa pagsali ng manlalaro ay napanatili pa rin ng Davao City ang pagiging overall champion sa dancesports na ginawa sa Gaisano Convention Center.
Anim sa 12 gintong pinaglabanan ang nakuha ng Davao dancers at sila ay pinangunahan nina Dave Torres at Roshua Adela Daclan na may dalawang ginto at Irlich Christian Edullantes na may dalawa ring ginto.
Ang Koronadal ay may tatlong ginto na hinagip sa pangunguna ng magkapares na sina Ronie Trinidad Jr. at Arjannah Margarette Brua na may dalawa habang ang General Santos sa pamumuno nina John Theo Puerto at Ainhie Love Pama ay may dalawang ginto.
Ang Tacurong City ang kumuha sa huling ginto na pinaglabanan sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pakikipagtulungan sa Philippine Olympic Committee (POC) at may ayuda ng Koronadal City sa pamumuno ni Mayor Peter Miguel.