Good vibes muna:  3 magkakabarkada nagsoli ng P138K

PANGLAO, Bohol —  Magkakasakay sa motorsiklo ang magkakaibigan na sina Fulgencio Esterado, Alejandro Bonita, at Michael Horcasitas nang makapulot sila ng isang belt bag na nahulog mula sa isang van, habang papunta sila sa isang resots sa Panglao, Bohol noong oktubre 6.

Pagbukas sa belt bag, limpak na salapi ang nakita nila sa loob nito.

Imbes na paghati-hatian ng tatlo ang pera, nagtungo ang tatlo sa Panglao police station para humingi ng tulong na hanapin ang nagmamay-ari ng pera.

Ayon kay PO2 Jose Sering, naglalaman ang bag ng P138,800, ilang dokumento, identification card, ATM card, at ang may-ari nito ay isang Koreano na nagbabakasyon sa lalawigan.

“Yun naman ang tamang gawin, isoli ang pera na hindi naman naming pinaghirapan,” Ayon sa 40-anyos na si Esterado, isang sales employee ng City Hardware sa Tagbilaran City.

“May Diyos na nakakakita sa atin.  Masamang karma ang kapalit nito kung  kinuha naming ang hindi sa amin,” dagdag pa niya.

Noong isang buwan, isang tricycle driver na nakilalang si Reynaldo Ingking, 45, ang nagsoli rin ng envelope na naglalaman naman ng P88,135, na naiwan naman ng isang pasahero sa Tagbilaran City, sa radio station na dyRD.

Labis-labis ang pasalamat ng babae kay Ingking nang kunin niya ang pera sa istasyon ng radio. Pinarangalan ng city government si Ingking sa kanyang katapatan.

Sa kaso ni Esterado, patungo sana sila ng kanyang mga kaibigan sa barangay Poblacion para dumalo sa isang fiesta nang makita nila ang belt bag alas-9 ng gabi na nalaglag mula sa isang van.

Hinabol pa anya nila ang van ngunit di na naabutan.  Ang bag ay pag-aari ni Choi Jae Won.

Nang maisoli sa Koreano ang pera ay binigyan umano sila ng pera pambili ng meryenda.

Hindi naman anila mahalaga kung ano ang iniabot nito sa kanila, ang mahalaga ay ang ginawa nitong pagpapasalamat.

Labis ang paghangang ipinadama sa kanila ng mga kababayan.

“It’s refreshing to hear news about these honest men,” ayon kay Raquel Cloma Guliman, isang taga-Panglao na ngayon ay naninirahan na sa  Estados Unidos.

“Indeed, they are role models to the youth,” dagdag pa nito.

Ayon naman kay Panglao Mayor Leonila Montero. Mabuting mga ehemeplo sa kanilang mga kababayan sina Esterado, Bonita at Horcasitas.  Balak niyang parangalan ang tatlo at bigyan ng cash rewards mula sa sariing bulsa.

Read more...