ITINANGGI ni dating Philippine National Police (PNP) Special Action Force chief at tumatakbong senador na si Getulio Napeñas na ginagamit siya ni Vice President Jejomar Binay para ipaalala sa administrasyon ang kabiguan nitong kilalanin ang kabayanihan ng mga miyembro ng SAF na kasama sa naging operasyon sa Mamasapano noong Enero.
Sinabi ni Napeñas na sumama siya sa senatorial ticket ng United Nationalist Alliance (UNA) para hindi makalimutan ang sakripisyo ng mga miyembro ng SAF.
“Hindi ako nagpagamit o ginagamit (ni Vice President Binay). Nakita niyo ‘yung prinsipyo, ‘yung aking pagtatanggol doon sa Mamasapano investigation,” sabi ni Napeñas.
IIdinagdag niya na ang ipinaglalaban niya ay ang katarungan para sa mga namatay na SAF.
“Na sa halip na kilalanin ay idiniin pa. Yung kabayanihan nilang ginawa, yung pagsakripisyo nila ng buhay, sana bigyan natin ng pugay ito,” ayon pa kay Napeñas.
Ipinagtanggol din ni Napeñas si Binay sa harap ng mga alegasyon ng katiwalian laban sa kanyan.
“We are presumed innocent until proven guilty. Nakita ko kay VP Binay ‘yung kanyang puso para pagserbisyohan ‘yung mga mahihirap,” aniya.
Kasabay nito, binatikos din ni Napeñas si Pangulong Aquino na aniya’y hindi man lamang niya narinig na kinikilala ang katapangan ng mga miyembro ng SAF.
“Hindi ko nakita na in-acknowledge niya yung kabayanihan openly in the public. Even in all of his speeches, hindi ko narinig na in-acknowledge niya yung kabayanihan ng mga namatay including kaming mga nabubuhay,” sabi pa ni Napeñas.