Sinusulat namin nang double time ang kolum na ito dahil nakadestino kaming manood ng Tamang Panahon ng Eat Bulaga sa Philippine Arena.
Halos lahat ng imbitasyon ay tablado na sa amin, nanghihingi na lang kami ng pasensiya kapag hindi kami nakararating, pero may karisma nga ang tambalang AlDub para pati ang araw ng aming pahinga ay ilalaan namin sa malaking selebrasyong ito.
Mula nang sulatin namin ang tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza ay hindi pa namin sila nakikita nang personal. May pagkakataon naman para mangyari ‘yun, iniimbitahan naman kami sa set ng kalyeserye ng boss ng TAPE, Inc. na si Tita Malou Fagar, pero hindi ‘yun natutuloy.
Hindi pa tamang panahon, sabi nga ni Lola Nidora, pero tuluy-tuloy lang ang pagsuporta namin sa primerang loveteam ngayon. Personal ang aming suporta, pinasasaya nila kami sa pananghalian, aliw na aliw kami sa kanilang mga atake na sobrang niyakap ng buong bayan.
Hindi rin maitatanggi ang galing sa pagkokomedya nina Wally Bayola, Paolo Ballesteros at Jose Manalo, pinatitingkad nila ang saya sa tanghali, timpladung-timplado ang mga rekado ng kaligayahan na ihinahain ng Eat Bulaga araw-araw.
Road to forever ang tawag ng marami sa Tamang Panahon. Soldout ang tickets, napakalaking tulong nu’n sa busilak na hangarin ng Eat Bulaga na makapaghandog ng silid-aklatan sa mga pampublikong paaralan, mabuhay ang programang ito sa pananghalian!