Letran Knights lumapit sa NCAA men’s basketball title

Mga Laro sa Martes
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Arellano vs San Beda (juniors finals)
4 p.m. Letran vs San Beda (seniors finals)

KUMINANG ang laro ng Letran sa huling 2:02 ng labanan para manaig sa five-time defending champion San Beda, 94-90, sa pagsisimula kahapon ng 91st NCAA men’s basketball Finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Si Kevin Racal ay mayroong career-high 28 puntos at sila nina Mark Cruz at Rey Nambatac ay nagpakawala ng 9-5 palitan matapos ang huling pagtatabla sa 85-all tungo sa 1-0 kalamangan sa best-of-three finals series.

Ang Game Two ay gagawin sa Martes at kailangan na lamang ng Knights na manalo uli para makatikim ng titulo na huling nangyari noon pang 2005.

“We really expected a tough fight pero nandoon ang tough defense and offense sa huli,” wika ni Knights coach Aldin Ayo.

Nanguna sa sumuporta sa Knights ay si team manager at boxing superstar Manny Pacquiao at ito ay nagdagdag ng motibasyon para makitaan ng puso ang bawat Letran player.

Si Cruz, na tulad nina Racal at Rey Publico ay nasa huling taon na, ay may 17 puntos matapos ang 18 ni Nambatac habang si McJour Luib ay may 16 puntos pa, malayo sa mahigit limang puntos lamang na average.

Si Ola Adeogun ay mayroong 23 puntos at 15 rebounds habang tig-10 ang ibinigay pa nina Ryusei Koga, Roldan Sara at Pierre Tankoua.

Ngunit ang PBA-bound na sina Arthur dela Cruz at Baser Amer ay nagsanib lamang sa 15 puntos mula sa pinagsamang 5-of-16 shooting.

Napahirapan din ang Red Lions ng depensa ng Knights sa ginawang 28 puntos.

Ang tapik ni Felix Apreku para mawala ang bola kay Adeogun ang nagresulta sa dalawang free throws ni Cruz para sa 92-87 kalamangan sa huling 14.4 segundo.

Bumanat ng triple si Dan Sara sa sumunod na play para buhayin pa ang laban ng Red Lions pero hindi nadepensahan ni Amer si Rey Nambatac tungo sa baseline drive para sa winning play.

“We will enjoy this victory but tomorrow we will be back practicing,”  paniniyak ni Ayo.

Lumapit naman ang San Beda sa isang panalo para sa makasaysayang ikapitong sunod na titulo sa juniors division sa 76-68 panalo sa unang laro.

Samantala, ibinigay ng NCAA kay 6-foot-9Allwell  Oraeme ng Mapua ang Mythical Five member, Defensive Player, Rookie of the Year at Most Valuable Player matapos ang dominanteng ipinakita para madala ang Cardinals sa Final Four.

Read more...