HINDI pa rin nawawala ang pagkauhaw ng kauna-unahang Grandmaster sa Asia na si Eugune Torre na manalo sa mga torneong kanyang sinasalihan.
“Sa edad kong ito, nag-e-enjoy pa rin ako sa paglalaro. Hindi ko nga alam kung saan ko ito kinukuha pero ito ang importante,” wika ni Torre nang nakapanayam sa drawing of lots sa 2015 Battle of the Grandmasters kahapon sa PSC Canteen.
Iseselebra ang kanyang ika-64th anyos na kaarawan sa Nobyembre 4, magtatangka si Torre na maidepensa ang suot na titulo sa kompetisyong inorganisa ng National Chess Federation Philippines (NCFP) at may ayuda ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Oo naman, nakapaghanda ako. Ang mahalaga naman ay sapat ang pahinga, may exercise at nakakapaglaro ako ng chess sa internet. Mahirap mag-champion sa ganito dahil kasali ang ibang GMs at mga bata na mahuhusay. Kaya ako, always best effort lang,” dagdag ni Torre.
Ngayon gagawin ang first round sa 9-round Swiss tournament at kalaro niya si GM Joey Antonio.
Apat pang GMs ang kasali at magtatapat agad sina GM Darwin Laylo at GM Oliver Barbosa at sina GM Richard Bitoon at GM John Paul Gomez.
Ang WIM na si Janelle Frayna ay kasali sa kalalakihan at kalaro niya si IM Paolo Bersamina.
Sina RoelAbelgas-Gerard Docena at Jose Marie Turqueza-Haridas Pascua ang kukumpleto sa tagisan sa hanay ng 12 manlalaro sa dibisyon.
Magagamit din ng mga kasali ang kompetisyon bilang paghahanda sa dalawang international tournaments sa Nobyembre sa Subic.
Si Cathy Perena na siyang nagdedepensang kampeon ang mangunguna sa 10 kababaihan na maglalaban sa women’s title.