HINDI makakaapekto ang umiiral na haze sa Mindanao para madiskaril ang pagdaraos ng 2015 Batang Pinoy Mindanao leg sa Koronadal City.
Dinagsa ng libu-libong atleta edad 15-anyos pababa ang pagpapatala na ginagawa sa Koronadal City Hall mula pa noong Miyerkules.
“Blockbuster,” wika ni Philippine Sports Commission (PSC) Games head Atty. Jay Alano. “Noong Huwebes ng gabi ay nasa 1,500 na ang nag-register at ngayon ay punung-puno ang registration site.”
Umabot na sa Mindanao ang haze dala ng forest fires sa Indonesia pero ginarantiya na rin ng Environmental Management Bureau ng Region 12 na maayos pa rin ang hangin sa nasabing lugar.
“Sa tingin ko ay hindi makakaapekto ang haze sa gagawing Batang Pinoy. May mga medical personnel ang naka-standby pero ang pagdagsa ng mga batang ito para sumali sa iba’t-ibang events ay patunay na sabik sila na maipakita ang kanilang angking galing,” dagdag pa ni Alano.
Ang PSC ang organizer ng Batang Pinoy at may basbas ito ng Philippine Olympic Committee (POC) habang buong suporta ang ibinibigay ng Koronadal City sa pangunguna ni Mayor Peter Miguel.
Sinikap ni Miguel na gawin ang regional elims sa kanyang nasasakupan para maipakita ang kakayahang makapagdaos ng multi-sports competition bagay na hindi nagawa nang natalo sa Davao del Norte para sa hosting ng Palarong Pambansa.
Ang opening ceremony ay gagawin ngayong alas-4 ng hapon sa City Hall at mismong si Miguel ang sasalubong sa mga bisita at atleta na magtatagisan hanggang sa Oktubre 29.
Ang South Cotabato Sports Complex ang main venue at ang mga mananalo ng medalya ay makakasali sa National Finals mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 2 sa Cebu City.