MARIING pinabulaanan ni Aljur Abrenica na may namamagitang silang “silent war” sa kanila ng Pambansang Bae na si Alden Richards.
May mga nagsasabi kasi na kung hindi nagreklamo at nagsampa ng kaso si Aljur laban sa GMA 7 noon (dinidinig pa rin ngayon sa korte) ay hindi sana siya naungusan sa laban ni Alden na itinuturing na ngayong bagong Kapuso King dahil na rin sa kasikatang tinatamasa nito ngayon.
Sa presscon ng bagong proyekto ni Aljur sa GMA, ang seryeng Dangwa kung saan makakasama niya ang kanyang bagong leading lady na si Janine Gutierrez. Ka-join din dito ang Kilabot ng Dance Floor na si Mark Herras bilang ka-love triangle nila.
Sey ni Aljur, matagal na silang magkaibigan ni Alden at never silang nagkaroon ng away o hindi pagkakaintindihan, “Yes, we’re still friends, maayos naman kami. Matagal na kaming hindi nagkikita pero I would like to believe na magkaibigan pa rin kami until now.
“Wala pong ganu’n (silent war), but we’re aware sa balitang ‘yan kasi hindi naman natin maiiwasan talaga ang mga ganyang intriga kapag nasa showbiz ka. When people kasi idolizes someone ang tendency ikinukumpara nila, pinagko-compete nila, pero between me and Alden okay na okay po kami,” paliwanag ng aktor.
“I know Alden way, way back pa, I’ve worked with him twice dito sa GMA, and I’m very happy for him, na finally naibigay na yung karapat-dapat sa kanya. He’s a very disciplined man, nakita ko yung paghihirap niya sa industriyang ito, yung pagsisikap niya and I believe it’s about time na ma-bless siya nang ganito kalaki dahil deserving niya,” dagdag pa ni Aljur.
Kung matatandaan, gagawa sana ng pelikula ang dalawang Kapuso matinee idol, ito ‘yung na-shelve na “Cain At Abel”, pero hindi na natuloy dahil nga biglang nagkaroon ng isyu si Aljur sa GMA. Pero sey ng bagong kapartner ni Janine sa Dangwa, kung io-offer sa kanya uli ang nasabing pelikula, handa siyang i-reconsider, “Why not, babasahin uli natin ‘yung script at kung maganda at matsa-challenge uli ako, tingnan po natin.”
Samantala, sinabi ni Aljur ongoing pa rin ang kasong kinasasangkutan nila ng GMA. Pero umaasa siya na mareresolba na rin ito sa mga susunod na buwan, lalo na ngayong maayos na uli ang pagtatrabaho niya sa Kapuso network.
“I feel so blessed and I am thankful sa naging journey ko. Finally, I am here again. I was never out naman, e. I’ve always been a Kapuso,” anang binata.
Tungkol naman sa kaso, “I won’t say it’s totally fixed. But the results are positive. The results are good on both sides naman. As much as I want to share what’s happening, mga good news na nangyayari, gusto ko lang iwan sa mga lawyers natin (out of) respect sa kaso. It’s beyond my understanding, e.”