Verni Varga seksi pa rin: Sikreto ko…diet at sex!

VERNI VARGA AT SHARON CUNETA

VERNI VARGA AT SHARON CUNETA

WALA pa ring kupas sa kaseksihan ang singer na si Verni Varga kaya naman hangang-hanga ang aming patnugot dito na si bossing Ervin Santiago, pati na rin ang mga katotong sina Vinia Vivar at Maricris Nicasio nang makita namin siya kamakailan sa loob ng ABS-CBN building.

Kaya iisa ang tanong namin – paano niya napapanatili ang maganda niyang pigura all these years considering na may dalawa na siyang anak na edad 20 at 16.

“We do golf with my husband, minsan sumasali ako sa competition, exercise, healthy diet at sex. Ha-hahaha!” birong sabi ni Verni.

Dagdag ng magaling na singer, “Mahilig akong kumain lang ng gulay, fruits at fish, ‘yun lang, sometimes I also eat steak, kasi siyempre sa bahay gusto rin nila ng steak, pero hindi madalas at saka dapat hindi masyadong luto, mas okay ‘yun. Tapos after meal, umiinom ako ng cranberry juice, ‘yan lang sikreto ko.”

Nabanggit din niya sa amin na nasa ABS-CBN siya nu’ng araw na ‘yun dahil nag-guest siya sa Your Face Sounds Familiar para sa 10th week episode ng programa kaya’t hindi pa puwedeng i-reveal kung sino sa finalist ang gumaya sa kanya. Nang lumabas nga raw ng entablado si Verni ay halos nalimutan niya ang lyrics ng kinakanta niya dahil na rin sa kakakaway kay Sharon Cuneta na isa sa mga judges. Niyakap pa raw siya nito nang matapos ang performance niya.

“Nakakatuwa kasi paglabas ko ng stage, nakita ako ni Sharon at talagang nagyakapan kami. Sobrang nakakataba ng puso seeing them again, kasi nga hindi naman ako lumalabas na. Itong si Chuck (Gomez, publicist niya) lang ang nakapagpa-labas sa akin ng bahay kasi ang trapik, imagine from Alabang to Quezon City? Nakakatamad umalis, di ba?” kuwento ng tinaguriang The Vamp ng music industry na siya ring original na kumanta ng “Kahit Isang Saglit” at “You’re Always Be My Number One.”

Tinanong namin kung hindi na ba siya magiging aktibo sa pagkanta o kung may plano pa rin siyang tumanggap ng shows dahil marami na ang nakaka-miss sa kanya at isa na kami roon, “Kailangan pa ba? Ha-hahaha! Joke lang,” sagot niya.

Kung hindi kami nagkakamali, super yaman na kasi ni Verni kaya hindi na niya kaila-ngang mag-showbiz, “Uy hindi naman, actually, nakaka-miss din, puro corporate shows lang ako, by invitations. As of now wala naman din nag-aalok na,” mabilis nitong sabi.

Nabanggit namin na magkakaroon ng isa pang reality show ang ABS-CBN at baka puwede siyang maging isa sa mga hurado nito pero mukhang hindi siya interesado, “Judge? Nagawa ko na rin ‘yun before, pero puwede rin naman.”

Ang problema lang ay baka hindi raw kayanin ni Verni ang matagalang na taping dahil nga ang hirap umuwi mula Quezon City to Alabang, “Okay lang kung once a week live, pero ‘yung matagal na ano (taping), mukhang mahirap, kasi nga kailangan ako ng asawa ko at ng mga anak ko,” diin pa ng singer.

Samantala, matagal nang hindi aktibo sa showbiz si Verni kaya tinanong namin siya kung anong programa sa TV ang paborito niyang pinapanood, “I don’t watch TV series or any local programs kasi, kaya wala akong alam, nanonood lang ako ng news like CNN, Fox, ganu’n lang lagi ang routine ko,” sabi nito.

At ang nakakaloka ay hindi niya masyadong kilala ang mga sikat na loveteam ngayon tulad nina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Liza Soberano, Enrique Gil, Nadine Lustre at James Reid.

“Si Daniel naririnig ko, so kilala ko at nakita ko na siya. Si Enrique, anak ba siya ni Mark Gil, sorry ha hindi ko talaga alam. Sino pa ‘yung iba, James and Nadine? Hindi, e,” napapai-ling na sabi ng singer.

Binanggit ni bossing Ervin na patay na si Mark, “Ay, hindi ko alam,” mabilis na tugon ni Verni.

Nakakaloka! Sa sobrang kabisihan niya sa kanyang personal life wala na talagang alam si Verni sa showbiz. May nagtanong naman kung kilala o naririnig ba niya ang sikat na sikat na AlDub, “Ano ba ‘yun?” sagot nito.

Sinabi namin na sikat na loveteam ito sa kalyeserye ng Eat Bulaga, “Ah, hindi ko sila kilala, sorry talaga.”

Tinanong namin siya kung alam niyang may noontime show pang Eat Bulaga, “Ay oo naman, ano ba, naggi-guest ako ro’n dati, pero ‘yung nangyayari na ngayon, wala na akong alam,” katwiran nito.

Naiintindihan namin si Verni kung wala na talaga siyang alam sa mga nangyayari ngayon sa showbiz, bukod nga kasi sa naka-focus ang atensiyon niya sa kanyang pamilya, matagal na rin siyang hindi umaapir sa mga TV show o concert scene. Kaya huwag naman sana itong masamain ng mga baguhang youngstars nga-yon.

Pero pahabol ng seksi pa ring singer, kilala naman daw niya sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo dahil may napanood siyang proyekto ng mga ito.

Read more...