HINDI na marahil magkandaugaga ang presidential front runner na si Senador Grace Poe sa kasasangga at kadedepensa sa kanyang sarili sa kabi-kabilang mga kaso na isinasampa laban sa kanya.
May ikatlong disqualification case na ang naihain laban sa kanya sa Commission on Elections, at ang lahat ng ito ay hinggil sa hindi umano niya kayang punan ang mga requirements na hinihiling ng Konstitusyon para sa isang nais na tumakbo sa pagkapangulo.
Ang tatlo na naghain ng disqualification case ay naniniwala na hindi natural born Filipino citizen si Grace Poe. Ang usapin ng kanyang citizenship ay hindi na muna binigyang diin sa mga kasong isinampa sa Comelec.
Tatlo na ang kaso. At mukhang may hahabol pa.
Ang kilalang fast and tough talker rin na si dating Senador Richard Gordon ay nagpasabog ng balita na kesyo nilapitan daw siya ng mga miyembro ng Liberal Party, ang partido ng admi-nistrasyon at nagsusulong ng kandidatura ni Mar Roxas, at ng United Nationalist Alliance na si Vice President Jejomar Binay naman ang ibi-nabandera.
Ayon sa dating senador, binubuyo raw siya ng dalawang kampo para sampahan din ng kaso si Poe sa Comelec, marahil para tuluyan itong “lumpuhin” sa kasasagot sa mga disqualification cases niya at hindi na makaalagwa sa pa-ngangampanya.
Dali-dali namang sumagot ang kampo ni Roxas at todo-tanggi na gagawin nila ito sa senadora.
Hinamon pa nga ni Roxas mismo si Gordon na pa-ngalanan ang mga sinasabi niyang LP members na nambubuyo sa kanya na sampahan si Poe ng kaso.
Sabi ni Roxas bakit daw ang LP ang lagi na lang napagdidiskitahan at pinagbi-bintangan na may pakulo sa mga demolition job na ito. Hindi raw kaya dahil “matamis ang bunga” kaya ang LP na lang ang nababato?
Mali. Hindi dahil sa “matamis ang bunga” kung kaya lagi na lang ito ang pi-nupukol ng pagbatikos at pagbibintang.
Hindi kaya dahil ang LP ang halatang desperadong manalo sa darating na halalan kung kaya’t gagawin nito ang lahat na maaari nitong gawin para maiangat lang ang kandidatura ni Roxas na alam naman ng lahat na hirap na hirap na makakonek sa tao.
Sino ba ang may hawak ng napakalaking makinarya? Sino ba ang nasa poder?
Sige na nga, for the benefit of the doubt, hindi na nga ang LP ang may pakana ng mga paandar na ito.
Hindi ang LP ang nasa likod ng mga dirty tricks laban kay Poe, at kay Davao City Ma-yor Rodrigo Duterte na humiyaw rin na biktima siya ng demolition job ng mga tao ng LP.
Sige na nga, hindi ang LP ang may kagagawan nito. Inosente ang LP. Malilinis ang LP. Walang bahid-dungis ang LP. Walang kamalay-malay na LP.
Kwidaw lang sa LP, kung hindi nga kayo ang may pakana ng mga kabi-kabilang asunto kay Poe, baka imbes na mapabasgak ninyo ang senador ay kampihan pang lalo ito ng tao.
Para namang hindi ninyo kilala ang mga Pinoy, pusong mamon yan pagdating sa mga inaapi, lalo pa’t wala naman itong record ng katiwalian kundi ang akusasyon na hindi siya natural born Pinoy.