Mga Laro sa Sabado
(Araneta Coliseum)
2 p.m. La Salle vs Adamson
4 p.m. FEU vs UE
Team Standings: FEU (8-1); UST (8-2); Ateneo (6-4); La Salle (5-4); NU (4-6); UE (3-6); UP (3-6); Adamson (1-9)
PINAGNINGAS nina Von Pessumal at Kiefer Ravena ang mainit na panimula habang si Arvin Tolentino ang nagpatuloy dito sa huling yugto para ibigay sa Ateneo de Manila University ang 80-74 panalo sa University of Santo Tomas sa 78th UAAP Season 77 men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
May tig-walong puntos sina Pessumal at Ravena sa first half para itulak ang Blue Eagles sa 41-28 bentahe bago umangat pa ang kalamangan sa 17 puntos, 49-32, sa isang tres ni Pessumal.
Lumaban pa ang Growling Tigers at napababa nila ito sa tatlo, 53-50, at kahit lumobo uli ang bentahe sa 60-52 sa pagtatapos ng yugto ay may senyales na makakabangon pa ang UST.
Pero hindi hinayaan ito ni Tolentino na naghatid ng tatlong triples at 13 sa kanyang nangungunang 20 puntos sa huling yugto upang iakyat ang Eagles sa pangatlong puwesto sa 6-4 karta.
Ang depensa ni Tolentino kay Kevin Ferrer na nakitaan lamang ng 1-of-10 shooting ay nakatulong pa sa Eagles upang maipaghiganti ang pagkatalo sa first round at biguin ang pakay ng UST na upuan na ang isang puwesto sa Final Four.
Binuhay pa ng nagdedepensang kampeon National University Bulldogs ang kampanya sa pamamagitan ng 85-79 overtime panalo sa Adamson University Falcons sa unang laro.
May 22 puntos si Rodolfo Alejandro at walo rito ay ginawa sa extension para wakasan ang tatlong sunod na pagkatalo ng Bulldogs tungo sa 4-6 baraha.
Ang Falcons ay bumaba sa 1-9 karta upang mamaalam na.