SA nakaraang pa-block screening ni Karla Estrada ng “Etiquette For Mistresses” ay kasama niya ang matalik niyang kaibigang si Ms. Tates Gana na sinamahan naman niyang mag-file ng certificate of candidacy para konsehala sa ikaanim na distrito ng Quezon City.
Kaya sinamantala namin ang pagkakataong tanungin ang nanay ni Daniel Padilla kung hindi ba siya naiipit sa pagitan nina Tates at Kris Aquino na parehong naging bahagi ng buhay ni Mayor Herbert Bautista. Mabilis na sagot ni Karla, “Wala naman kasi silang (Kris at Tates) personal na pag-aaway kaya bakit ako maiipit?
“Puro lang naman ibang taong nakapaligid ang nagsasabi ng kung anu-ano, pinag-aaway sila. Hindi sila magkakilala ng personal. Wala kasi silang personal bonding kasi,” ani Karla.
Hindi ba gagawa ng paraan si Karla para magkausap o mag-bonding sina Kris at Tates, “Alam mo, sina ate Kris at ate Tates, mas matanda sila sa akin, basta alam naman nila ang gagawin nila at ginagawa nila.
Wala namang masamang sinasabi sa akin si ate Tates tungkol kay Kris at ganu’n din si ate Kris, okay lang ako ro’n, gets mo? “Kasi kung anuman itong nangyari sa kanilang ito, e, kaibigan ko na sila pareho.
Hindi naman nangyari ito na kinaibigan ko si Kris nu’ng kasagsagan ng isyu, gets? Someday siguro (magkakakilala), saka hindi naman ako ang dapat gumawa no’n, in time,” dagdag nito.
Anong klaseng kaibigan sina Kris at Tates kay Karla? “Hindi mo naman mako-compare ‘yun kasi unfair naman na magsasabi ako at lahat naman ng gagawin ko, sinasabi ko at alam naman ni ate Tates, at mas nauna kong naging kaibigan si ate Tates kaysa kay Kris, pero at that time, wala namang isyu pa, walang (Herbert at Kris) pa. Naku, ‘wag ganu’n kasi baka humaba pa ang isyung ‘yan,” natawang sabi ng singer-actress.
Ano ang pagkakaiba ng dalawa, “Well, si ate Tates is a giving, understanding, sobrang loving friend, matulungin ‘yan. Si Kris is very generous na kaibigan.”
Bago raw ginanap ang block screening ng “Etiquette For Mistresses” ay dapat dadaan muna si Karla sa taping ng Kris TV, “Pero nagsabi ako kay ate Kris na hindi na ako makakadaan kasi sasamahan ko si ate Tates sa filing of candidacy niya as konsehal ng 6th District of QC at okay naman kay ate Kris, alam niya.”
Sa madaling salita, open si Karla kina Kris at Tates kung ano ang ginagawa niya para sa dalawang kaibigan, “Oo naman,” tugon nito.
At dahil nakita namin si Tates Gana ay sinamantala na rin namin siyang kapanayamin tungkol sa kasalukuyang sitwasyon nila ni Mayor Herbert, “Ay okay kami, walang problema, lahat plantsado na,” nakangiting sabi sa amin.
Plantsado na ibig sabihin ay nagkabalikan na sila ni Herbert? “Ay hindi, okay kami as friends, wala ng isyu, okay na, tanggap ko na wala kami, saka matagal na, noon pa, friends na lang kami. Nag-uusap kami, walang hassles,” paliwanag ng ina ng mga anak ni Mayor.
So, sarado na ang pintuan na magkakabalikan pa sila ni Bistek? “Oo naman, matagal na. Nasanay na ako, mahirap din kasi kung maging kami kasi uulit at uulit (mambabae) lang naman, kaya ako na nagsabi, actually pareho kami na friends na lang.
Sa totoo lang, wala akong reklamo kay Berto (tawag ni Tates kay Bistek) kasi okay siyang tatay, good provider naman siya, kaya okay na yun at suportado niya ako sa lahat ng ginagawa ko.
“Nasa akin ang mga bata, pag may time si Berto, magkakasama silang mag-aama, pero since busy siya, bihira silang magkitang mag-aama, pero oras-oras nagte-textan sila, kumustahan, which is okay naman for me,” kuwento ni Tates sa relasyon nila ngayon ni Bistek.
Wala na raw pakialam pa si Tates kung sino ang nililigawan o nali-link kay Herbert dahil out na siya sa buhay nito, “Mga anak ko na lang ang concern ko” At dahil ngayon lang namin naka-face to face si Tates ay tinanong namin siya nang diretso tungkol sa isyu noon nina Kris at Bistek.
“Sa totoo lang, noong kasagsagan ng isyu, wala akong sinagot ni isang tawag o text ninyong lahat, pati ikaw. Ayokong magsalita, mas mabuting wala akong sasabihin kasi para saan? Umalis kami ng bansa para sa mga anak ko, ayaw ko kasing madamay o malaman nila.
“Sa totoo lang itinago ko sa mga anak ko, kasi mga selosa at seloso sila, lalo na ‘yung babae ko, siyempre. Ayaw nila na may naririnig sila tungkol sa daddy nila, kaya inilipad ko kaagad sila. Sabi ko sa mga anak ko na ‘he’s (Bistek) still your father, you have to respect him, kasi kung hindi, magkakasala kayo kay Lord.’
“Pero hindi mo na maloloko ang mga bata ngayon because of social media. Alam mo ba, nu’ng nasa Amerika kami, pinutol ko lahat ng communication, na wala silang mababasa o malalaman, e, itong anak kong babae, ‘yung kaklase niya, pinadadalhan siya through cellphone ng link ng mga dyaryo, kaya alam niya lahat, hay naku, katakut-takot na paliwanag ako talaga.
Sabi ko na may project kasi kaya ganu’n, nali-link, e, wala, hindi mo talaga maloloko,” kuwento pa nito.
Pagdating kaya ng panahon, puwede silang magkita o magkausap ni Kris, “In time, siguro. Saka wala namang pag-uusapan,” napangiting sabi ni Tates.
Samantala, tuluy na tuloy na ang pagtakbo niya bilang konsehal ng ikaanim na distrito ng Quezon City under Nacionalista Party, “Sariling desisyon ko ito kasi tingin ko mas marami akong magagawa, di ba tumutulong ako sa Child Haus (simula ng itatag), e, sarili kong resources lahat. So kung papalarin, ‘yung resources ng government para sa health, doon ko lahat ilalagay,” aniya.