Umabot na sa 30 katao ang kumpirmadong nasawi, tatlo ang nawawala, at 36 ang sugatan dahil sa mga insidenteng dulot ng bagyong “Lando” sa iba-ibang bahagi ng bansa, ayon sa mga awtoridad kahapon.
Napag-alaman ito kahapon, kasabay ng pag-ulat ng mga awtoridad na mahigit 400,000 katao ang lumikas sa iba-ibang bahagi ng Luzon para makaiwas sa mga epekto ng bagyo.
Pumalo sa 446,322 katao o 99,004 pamilya ang nakisilong sa mga evacuation center at sa bahay ng kamag-anak sa Ilocos region, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, at Quezon, at Cavite, ayon sa ulat ng mga regional unit ng Office of Civil Defense.
Nadagsag naman sa mga nasawi ng magkakamag-anak na sina Sixto Veloria, 59; Cristina Veloria, 58; Trisha Cabana, 3; at Susan Cabana, 1, ng Bani, Pangasinan.
Nalunod ang apat nang tumaob ang sinakyan bangka habang binabayo ng bagyo ang Pangasinan kamakalawa (Lunes) ng hapon, sabi ni Supt. Ferdinand de Asis, tagapagsalita ng provincial police.
Narekober ang bangkay ng apat alas-8 ng umaga kahapon, aniya.
Nasama din sa nasawi ang magkapatid na Diane, 7, at Vanessa Tucay, 6, nang maguhuan ng lupa ang kanilang bahay sa Tacay Road, Purok 7, Quezon Hill, Baguio City, Lunes ng gabi, sabi ni Supt. Johnson Abellera, tagapagsalita ng lokal na pulisya.
Isinugod pa ang dalawa sa ospital matapos mahugot sa guho, ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor si Diane, habang si Vanessa ay binawian ng buhay sa intensive care unit kahapon ng umaga, ani Abellera.
Bukod sa mga ito ay may dalawang lalaki ring nasawi nang mabagsakan ng tumumbang puno sa Pangasinan, ayon sa ulat ng OCD-1.
Hiwalay pa sa mga nasawi sa Baguio ang isang nasawi sa landslide sa Bakun, Benguet; dalawang nasawi rin sa pagguho ng lupa sa Tinoc, Ifugao; at isang nalunod sa ilog sa Tineg, Abra, na inulat ng OCD-Cordillera.
Sa Central Luzon, pito na ang kumpirmadong nasawi sa mga pagbagsak ng puno, pagkalunod, pagkabuwal ng pader, at pagkakuryente, ayon sa OCD-3.
Umakyat naman sa walo ang kumpirmadong nasawi sa pagtaob ng M/B Tawash sa Iloilo City kahapon.
Narekober ang bangkay ng pang-walong nasawi na si CJ Gamutia alas-6:30 ng umaga sa bahagi ng dagat na malapit sa Brgy. Sawang, Buenavista, Guimaras, sabi ni Lt. Edison Diaz, commander ng Coast Guard Station Iloilo, sa isang text message.
Isa na lang ang nawawala sa M/B Tawash, na tumaob dahil sa malalaking alon at malakas na hangin.
Di pa rin isinasama ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa listahan ng mga nasawi dahil kay “Lando,” bagamat aminado ang OCD-6 na dapat isisi sa bagyo ang insidente.
Hanggang kahapon ay marami pang bahagi ng Central Luzon, lalo na sa Nueva Ecija, ang lubog sa baha.
Libu-libong bahay at sari-saring imprastruktura ang nawasak at napinsala ni “Lando,” kaya kahapon ay patuloy pa ang damage assessment ng mga awtoridad.
Una nang nag-ulat ang OCD-3 ng P4.651 bilyon halaga ng pinsala sa palay, high-value crops, at mga palaisdaan sa lahat ng lalawigan sa Central Luzon.
Sinundan ito ng P149.556 milyon halaga ng pinsala sa mga pananim sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, at Ilocos Norte.
Nakapagtala naman ng inisyal na P27.732 milyon halaga ng pinsala sa mga pananim sa buong Cordillera region, ayon sa OCD-CAR.
Sa Cagayan Valley, P10.071 milyon ang kabuuang pinsalang naitala sa palay, mais, at mga palaisdaan, , ayon sa OCD-2.