Mister ng female celebrity wala na ngang silbi, manloloko pa

WASAK na wasak ang puso at bulsa ng isang female personality pero halos walang nararamdaman ang mga taga-showbiz. Magaling siyang magdala ng problema, hindi rin siya nag-iingay kasi nga ay hindi naman ibang tao sa kanya ang naging dahilan ng kanyang matinding pinagdadaanan ngayon.
Punumpuno ng sama ng loob ang babaeng personalidad sa matinding panlolokong ginawa sa kanya ng taong pinagkatiwalaan niya ng kanyang buong buhay.
Lahat-lahat ay ibinigay na ng female personality sa lalaki, nagbuhay-hari ito sa kanyang poder, pero kinaya pa rin siyang lokohin nito na ni sa panaginip ay hindi naisip ng aktres na magagawa sa kanya ng lalaking itinuring na niyang karugtong ng kanyang puso.
Simulang kuwento ng aming source, “Hindi lang siya nagsasalita, pero meron na rin siyang ginagawang legal action laban sa lalaking literal na nangloko sa kanya.
“Ang hindi lang matanggap ni ____ (pangalan ng seksing aktres), e, kung bakit pa siya nagawang lokohin ng guy, samantalang mula naman nu’ng maging magkarelasyon sila, hanggang sa magkaanak na, e, ang babae lang naman ang gumagawa ng paraan para sila mabuhay.
“Napakatamad ng taong ‘yun, umaasa lang siya sa kung ano ang kinikita ng wife niya, napakalaki naman ng bulto ng katawan niya, pero nasasayang lang ‘yun sa paghihiga at pagporma-porma niya!
“Matinding sakripisyo ang ginagawa ng girl para sa family nila, pero ang lalaki naman, ubod nang tamad at walang kapanga-pangarap,” napapailing na kuwento ng aming impormante.
Tahimik lang ang ginawang aksiyon ng babae, pero mananagot din sa tamang panahon ang kanyang mister, ayon sa kuwento ng kanilang mga kaibigan ay iniwan ng lalaki nang nakanganga ang kanyang misis dahil nilustay nito ang pinaghirapan ng aktres.

Read more...