Maja may misteryosong manliligaw: Wag kayong mag-alala malalaman n’yo rin!
NAGING “maramot” si Maja Salvador sa pagdedetalye tungkol sa bagong lalaking lagi niyang ka-text na pinaniniwalaang isa sa mga masugid niyang manliligaw ngayon.
Sa presscon ng next major concert niyang “MAJAsty” na magaganap sa SM MOA Arena, produced by JMA (Jerica M. Aguilar) Events Management at Pink Management and Productions, inamin ni Maja na meron siyang pinagkakaabalahang mysterious “textmate” ngayon.
Sey ng Kapamilya singer-actress-dancer kung may kulang ngayon sa buhay niya ito ay, “Pag-ibig. Totoo naman. Pero masayang-masaya naman po ako kahit wala iyon. Ka-text, puwede naman e.”
At dito na nga naintriga ang press kaya kinulit siyang magkuwento tungkol dito, ngunit tigas sa pag-ayaw si Maja basta ang tanging clue na i-binigay niya ay, “Lalaki siya. Ha-hahaha!”
Pero seryosong esplika ni Maja, “Ayaw ko lang magdetalye o ano pa. Hindi naman sa madamot, pero maski ako wala pa din doon (sa lovelife ang isip ko).
“Kasi ang focus ko ngayon ay yung Ang Probinsyano, may US tour kami ni Echo (Jericho Rosales), tapos itong MAJAsty, so anong time mo talaga, wala na, di ba?” hirit pa ng aktres na concert artist na rin ngayon.
Tinanong uli ang dalaga kung ibabandera ba niya sa madlang pipol kung sakaling magkatuluyan sila ng kanyang ka-textmate, “Oo naman, never naman po akong nagdamot. Lahat naman ng lovelife ko naging honest naman ako, open naman, hindi nga lang detalyado.”
May humirit naman kay Maja na baka raw si Piolo Pascual ang nanliligaw sa kanya ngayon dahil may mga kumalat na tsismis na sweet na sweet sila sa nakaraang London tour ng ASAP at mismong siya pa ang nag-request na makasama ang aktor sa kanyang concert sa MOA, “Ay, hindi po!” paglilinaw pa ng dalaga.
May pagnanasa ba siya kay Piolo? Natawa muna si Maja sabay sabing, “Crush na crush ko siya. I super love Papa P.” Paano kung ligawan siya nito? “Ha? Hindi ko kaya! Ka-text ko lang si Papa P noong isang araw kasi nagtatanungan kami kung anong kanta ang kakantahin namin, iyon lang.
Siya yung ka-text ko lang noong isang araw.” Ano bang meron si Piolo at bakit ito ang ipinakiusap niya sa Star Magic na maging special guest niya sa kanyang “MAJAsty” concert sa Nov. 13? “Kasi parang pa-thirteen years na ako sa showbiz, pero simula noong mag-umpisa ako, parang walang pagbabago sa kanya.
“Iba kasi si Papa P pag kumakanta, lalo na pag kumakanta siya, tiniti-tigan ka niya sa mata, parang ang ganda-ganda mo, parang ganu’n. So, siyempre para mas ma-inspire naman ako, kailangan ko si Papa P.”
Aside from Piolo, makakasama rin ni Maja sa kanyang concert sina Paulo Avelino, Kakai Bautista, Rayver Cruz, Enchong Dee, JC de Vera, Enrique Gil, at iba pang surprise guests.
Mabibili ang ticket para sa “MAJAsty” sa SM Ticket outlets. Major sponsor sa concert ang Sisters Sanitary Napkins and supported by Kreme Top and Petit Monde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.