Ikatlong panalo target ng Cignal, Petron sa PSL Grand Prix

Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
1 p.m. Cignal vs Meralco
3 p.m. Philips Gold vs Petron
Team Standings: Cignal (2-0); RC Cola-Air Force (1-0); Petron (2-1); Foton (1-1); Philips Gold (0-1); Meralco (0-3)

PALALAKASIN pa ng Cignal ang kapit sa unang puwesto habang didikit pa ang nagdedepensang kampeon Petron sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Katipan ng HD Lady Spikers ang nasa hulihang Meralco sa ganap na ala-1 ng hapon habang ang Lady Blaze Spikers ay kaharap ang Philips Gold dakong alas-3 ng hapon.

Tinalo ng Cignal ang Petron at Philips Gold sa unang dalawang laro na parehong umabot sa limang sets at inaasahang mamumuno uli ang mahusay na import na si Ariel Usher.

Si Usher ay tumipa ng 31 at 30 puntos sa naunang dalawang panalo pero nakakakuha pa rin siya ng magandang suporta sa ibang kakampi tulad nina Amanda Anderson at Fritz Gallenero para ipakita na palaban sila sa titulo sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Mueller at isinasaere ng TV5.

Ito naman ang ikaapat na sunod na laro ng Meralco at tiyak na mas gamay na ng mga manlalaro ang isa’t-isa para maputol ang tatlong sunod na kabiguan.

Aasa naman ang Petron sa husay ng samahan ng mga manlalaro para makuha ang pangatlong dikit na panalo sa Lady Slammers na gustong bumangon matapos madiskaril sa Cignal.

Huling koponan na pinagbagsak ng Lady Blaze Spikers ay ang Foton Tornadoes noong Huwebes ng gabi, 21-25, 25-20, 25-13, 12-25, 15-9.

Si Dindin Manabat ay gumawa ng 28 puntos, mula sa 24 kills at 4 blocks, habang sina Frances Molina, Rupia Inck, Aby Marano, Rachel Ann Daquis, Fille Cayetano at Erica Adachi ay nagsanib pa sa 43 puntos para sa balanseng pag-atake.

Read more...