UST Tigers hangad makaganti sa NU Bulldogs

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Ateneo vs Adamson
4 p.m. UST vs NU
Team Standings: FEU (8-1); UST (7-1); La Salle (5-4); Ateneo (4-4); NU (3-5); UP (3-6); UE (3-6); Adamson (1-7)

MAIPAGHIGANTI ang natatanging kabiguan ang magpapainit pa sa larong ipakikita ng University of Santo Tomas sa pagharap sa nagdedepensang National University sa 78th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang laro ay magsisimula matapos ang tagisan ng Ateneo de Manila University at Adamson University sa ganap na alas-2 ng hapon.

Nais ng Blue Eagles na putulin ang dalawang sunod na kabiguan para makatabla uli sa De La Salle University sa ikatlo at ikaapat na puwesto.

Inaasahan na buhos na uli ang makikitang laro sa Ateneo ngayong naayos na ang estado ni head coach Bo Perasol na sinabing tatapusin na lamang ang ikatlo at huling taon sa koponan.

Inilampaso ng Blue Eagles ang Falcons, 84-70, sa unang pagkikita para maging paborito ang una sa labanan.

Lumasap ng 55-54 pagkatalo ang UST sa NU sa unang pagtutuos nang nakalusot si Alfred Aroga sa huling play ng koponan.

Ngunit matapos ang larong ito ay nag-iba ang takbo ng kampanya ng dalawang koponan at ang Tigers ay umani ng apat na sunod na panalo habang may 2-2 baraha ang Bulldogs at papasok sa laro mula sa dalawang dikit na kabiguan.

Ang ‘big three’ ng Tigers na sina Ed Daquioag, Kevin Ferrer at Karim Abdul ang aasahan uli pero malaki ang arsenal ng koponan dahil sa magandang ipinakikita ng kanilang bench.

Si Aroga at Gelo Alolino ang pambato ng Bulldogs ngunit kailangang sumabay ang ibang kasamahan sa ipakikita ng bench ng kalaban para gumanda ang tsansang manalo.

Kung magwagi ang UST, sila at ang FEU ay makakatiyak na ng playoff para sa Final Four dahil hanggang walong panalo na lamang ang best finish na puwedeng kunin ng Bulldogs at mga pahingang University of the East at University of the Philippines na may 3-6 baraha.

Read more...