No. 3 seed nakubra ng Mapua Cardinals

Mga Laro sa Martes
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Letran vs Mapua
4 p.m. San Beda vs JRU

GUMAWA ng career-high 27 puntos si CJ Isit para tulungan ang Mapua Cardinals sa 81-76 panalo sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa playoff sa 91st NCAA men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Si Darell Menina ay may 16 puntos habang ang napapaborang Most Valuable Player ng liga na si Allwell Oraeme ay mayroon pang 11 puntos, 24 rebounds, 3 blocks at 5 assists para magkaroon ngayon ng four-game winning streak ang Cardinals.

Ang panalo ang naglagay sa Mapua bilang third seed at sila ang makakaharap ng Letran Knights sa Final Four.

Natalo man ang Heavy Bombers ay lalaro pa rin sila sa semifinals at katunggali nila ang five-time defending champion San Beda Red Lions na katulad ng Knights ay mayroong mahalagang twice-to-beat advantage.

Ang semifinals ay sisimulan sa Martes.

Tinalo naman ng Arellano University ang La Salle-Greenhills, 75-74, para umabante sa step-ladder semifinals sa juniors division.

Si Guillmer Dela Tore ay tumapos taglay ang 20 puntos at ang kanyang dalawang free throws sa huling 41.7 segundo ang nagbigay ng kalamangan sa kanyang koponan.

Sunod na kalaro ng Braves ay ang pumangalawang Mapua at ang mananalo ang siyang hahamon sa six-time defending champion San Beda na may thrice-to-beat advantage pa bunga ng 18-0 sweep sa elimination round.

Read more...