Mga bagito ng Kings

LIMA ang bagong manlalarong idinagdag ni Tim Cone sa Barangay Ginebra papasok sa 41st season ng Philippine Basketball Association na mag-uumpisa bukas sa Smart Araneta Coliseum. Tatlo sa mga ito ay pawang mga rookies, isa ang sophomore at isa ay beterano.

Maituturing na building blocks for the future ang mga players na kinuha ni Cone. Hindi natin masasabi na magiging mahaba ang kanilang playing time sa unang conference ni Cone sa Barangay Ginebra. Pero pagdating ng panahon, tiyak na ang mga ito ay magiging mahalagang piyesa.

Ang pinakabeterano sa mga kinuha ni Cone ay si Joe Devance na makakasama niyang muli sa ikatlong pagkakataon.

Una kasi silang nagkasama noong nasa Alaska Milk pa sila. Naunang lumipat sa Purefoods (ngayon ay Star Hotshots) si Devance bago sumunod si Cone tatlong taon na ang nakalilipas. Sa Star ay naging bahagi sila ng apat na kampeonato. Kabilang dito ay ang Grand Slam na nabuo noong 39th season.

Noong nakaraang season ay hindi pinalad ang Star Hotshots na maidepensa ang isa man sa tatlong koronang hawak nila. Nagkaganoon man ay hindi ito naging hadlang para sa pamunuan ng San Miguel Corporation na ilipat si Cone sa Barangay Ginebra.

Kasi naman ay tila mas kailangan ng Gin Kings ng direksyon. Ang tagal na rin namang hindi nagkakampeon ang Barangay Ginebra. Ang daming mga coaches na sumubok na baguhin ang kapalaran ng koponang ito subalit nabigo.

Katunayan, noong nakaraang season, aba’y tatlong iba’t-ibang coaches sa tatlong conferences ang humawak sa Gin Kings. Nagsimula sila na si Jeff Cariaso ang coach sa Philippine Cup. Humalili si Ato Agustin sa Commissioner’s Cup at si Frankie Lim sa Governors’ Cup. Walang nangyari.

So, kay Cone na ibinigay ang paggabay sa Gin Kings. High hopes ang lahat kay Cone dahil sa dalawang grand slams lang naman ang bitbit nito, e.

Bukod kay Devance, ang isa pang beterano ay si Nico Salva. Pero hindi pa rin siguro maituturing na batak si Salva dahil sa nasa ikalawang season pa lang siya. Hindi nga siya masyadong nagamit sa Globalport noong nakaraang taon.

Well, promising naman si Salva at alam ng lahat ang kaya nitong ibigay sa kanyang koponan kung mabibigyan ng playing time. Bahagi siya ng multi-titled Ateneo Blue Eagles.

Ang tatlong rookies na pinapirma ng Barangay Ginebra ay sina Aljon Mariano, Denice Villamor at Scottie Thompson.

Sa tatlong ito, tanging si Villamor ang nakaranas na magkampeon sa kolehiyo. Bahagi kasi siya ng National University Bulldogs na nagwagi ng titulo sa UAAP noong nakaraang season.

Si Mariano ay produkto ng University of Santo Tomas Growling Tigers samantalang si Thompson ay galing naman sa University of Perpetual Help Altas.

Pero si Thompson lang ang naging miyembro ng Philippine team na nagkampeon sa nakaraang Singapore Southeast Asian Games.

Si Thompson, na siyang Most Valuable Player ng nakaraang NCAA season, ay nakapagtala ng pitong triple doubles sa kasalukuyang season. Pero nabigo siyang ihatid ang Altas sa Final Four.

Sa mga baguhan, si Thompson ang talagang kinukunsidera ni Cone bilang prized find. Kinuha siya bilang fifth pick overall sa Draft at ayon kay Cone, malamang na siya ang second coming ni Johnny Abarrientos.
Tingnan natin kung ano ang maibibigay ng mga baguhang ito sa Barangay Ginebra.

Read more...