Sickness notification para sa mga OFWs pinalawig ng SSS

MAGANDANG Balita para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Mula sa dating limang araw ay dinagdagan na ng Social Security System (SSS) ng 30 pang araw ang prescriptive period para sa pagpa-file ng sickness notification o abiso sa SSS sa pagkakasakit.
Ito ay bilang konsi-
derasyon sa limitadong oras ng mga OFWs at layo sa mga opisina ng SSS sa ibang bansa.
Para sa mga sickness notifications na nai-file pagkaraan ng prescriptive period, ang mga araw ng pagkakasakit na bibilangin ng SSS ay magsisimula lamang mula sa ika-limang araw bago ang petsa ng filing.
Sa pinahabang prescriptive period, maiiwasang mabawasan ang halaga ng sickness benefit o di kaya ay tanggihan ang kanilang claim dahil sa naantalang notipikasyon, kumpara sa dating limang araw na palugit,
Maliban sa sickness notifications, may mga prescriptive periods din ang SSS para sa pag-file ng sickness benefit claims.
Para sa mga voluntary member tulad ng OFWs, ang prescriptive period na ito ay isang taon mula sa simula ng home confinement, at isang taon mula sa petsa ng paglabas sa ospital.
Maaaring i-file ng mga OFW ang kanilang sickness notifications at benefit claims ng personal, sa tulong ng isang kinatawan o di kaya ay ipadala sa koreo sa kahit anong opisina ng SSS sa Pilipinas at sa ibang bansa.
May foreign representative offices ang SSS sa iba’t ibang bansa kung saang maraming mga OFWs: gaya ng Hong Kong, Macau, Brunei, Taipei (Taiwan), Singapore at Kuala Lumpur (Malaysia) sa Asya; Riyadh, Al-Khobar at Jeddah (Saudi Arabia), Abu Dhabi at Dubai (United Arab Emirates), Kuwait, Doha (Qatar), Bahrain at Oman sa Middle East; Rome at Milan (Italy) at London (United Kingdom) sa Europa; at sa Toronto (Canada).
Ang SSS sickness benefit ay pang-araw-araw na cash allowance na ibinibigay sa mga kwalipikadong OFWs na nakaratay sa bahay o sa ospital nang hindi bababa sa apat na araw, kasama ang oras ng kanilang pagpapagaling, dulot ng pagkakasakit o pagkakapinsala.
Pinapayuhan ang mga OFWs na i-file ang kanilang notifications at claims sa tamang oras upang masigurong may benepisyo sila sa bawat araw ng pagkakasakit.
Maaaring bisitahin ng mga OFWs ang SSS Website (www.sss.gov.ph) para sa mga detalye sa mga programa ng SSS at downloadable na din dito ang application forms. Sumali din sa SSS Facebook account (https://www.facebook.com/SSSPh) para sa mga update at paghingi ng tulong mula sa SSS.
Maaari rin nilang sulatan ang OFW Contact Services Unit (OFW-CSU) kahit anong oras gamit ang email sa ofw.relations@sss.gov.ph, o tawagan ito gamit ang mga numerong +632 364-7796 o +632 364-7798 mula Lunes hanggang Biyernes nang mula ala-saids ng umaga hanggang alas-diyes ng gabi base sa oras sa Pilipinas.

Dr. Brenda Viola, SSS Officer-in-Charge
Medical Services
Division
Social Security System

Read more...