Kailangan ng kamay na bakal

TALAGANG malalang-malala na ang problema sa droga sa ating bansa.

Araw-araw ay may nahuhuling mga drug pushers at drug traffickers sa iba’t ibang dako ng bansa.

Pero hindi pa rin tumitigil ang pagdating ng droga sa kalye.

Bakit? Dahil ang mga pulis na nakakahuli ng droga ay sila mismo ang nagtitinda ng kanilang nahuli.

Noong Huwebes, nasakote ng kapulisan ang limang Chinese nationals na hinihinalang drug traffickers.

Mga P50 milyon na halaga ng shabu ang nahuli sa kanila.

Biro ninyo, kung nakalusot ang shabu na yun, maraming mga kabataan at maging matatanda ang magiging addict dahil sa dami nito.
* * *

Ang problema sa droga ang nagpapalala ng kriminalidad.

Maraming mga taong nalululong sa droga ang napipilitang magnakaw at pumatay upang masustentuhan ang kanilang bisyo.

Maraming mga tao ang nakagawa ng mga karumal-dumal na krimen dahil nasa impluwensiya sila ng droga.

Marami pa ang gagawa ng krimen sa mga darating na panahon dahil sa droga.

Kailangan talaga natin ang liderato na may kamay na bakal.

Sana ang susunod na pangulo natin ay may kamay na bakal kung sino man siya.

Huwag na tayong makinig sa mga sloganeering na gaya ng “daang matuwid” dahil baluktot pa rin ang tinatahak ng karamihan sa mga opisyal ng administrayong kasalukuyan.
* * *

Kabilang sa mga pinakatamad na mga pulis sa bansa ay yung mga kagawad ng pulisya sa Allen, Northern Samar.

Hindi lang sila tamad, mga tanga rin sila.

Pinakawalan ng mga pulis-Allen ang isang frustrated murder suspect na kanilang naaresto na si Neil Warren Rocha, 30, dating Army, dahil hindi raw sumipot ang biktima sa kanilang istasyon.

Paano naman sisipot ang biktimang si Elvin Fernandez, 30, sa istasyon samantalang ito ay nakaratay sa ospital at ginagamot sa kanyang tinamong mga sugat?

May katangahan ang hepe ng pulisya ng Allen na si Insp. Rommel Quino.

Nang tinanong ng “Isumbong mo kay Tulfo” si Quinon kung bakit di siya nagpapunta ng imbestigador sa ospital
upang kunan ng statement ang biktima, ang sagot niya: “Malayo kasi ang ospital, sir.”

Si Fernandez ay dinala sa ospital sa Catarman, 40 kilometro ang layo sa Allen, dahil sa malalim ang mga sugat na tinamo niya.

Ang dali-dali namang sumakay ng bus ang imbestigador kung walang sasakyan ang pulisya ng Allen.
Tamad lang ang mga pulis sa Allen.
* * *

Ang katamaran sa likas yata sa mga pulis.

Hinihintay nila ang complainant na magsumbong sa kanila sa presinto bago sila umaksyon.

Sa halip na magpatrolya, naghihintay na lang sila ng biktima ng krimen sa presinto.

Ayaw ng mga pulis na mapagod sa patrolya kaya’t naghihintay na lang ng biktima ng krimen sa presinto.

Hindi ba alam ng mga mokong na ito na ang kanilang pagpaptrolya ay pumipigil ng pagsagawa ng krimen ng mga masasamang-loob?

Police presence in an area prevents crime, ika nga.

Mabuti na lang at ang bagong chief ng Philippine National Police na si Director General Ricardo Marquez ay nag-utos na lumabas at magpatrolya ang kapulisan sa lansangan.

Pero dapat ay hindi na kinailangan ng kautusan ni Marquez upang lumabas ang mga pulis sa presinto at magpatrolya sa lansangan.
* * *

Habang sinusulat ko ang column na ito kahapon ng hapon ay nakaabot sa akin ang balita na nagpayl na ng kandidatura sa pagka-Pangulo si Davao City Mayor Rody Duterte.

Malaki ang tsansa ni Duterte na mananalo dahil tunay na pagbabago ang sigaw ng taumbayan.

Read more...