Sorpresa ni Lola Nidora aa AlDub gugulatin ang buong mundo; Isadora magpapakita na?

yaya dub

Kasabay naman ng grand album launch ni Alden ngayong araw ang nakatakdang ipahayag ni Lola Nidora (Wally Bayola) ang sinasabi niyang pinakamalaking regalo para kina Alden at Yaya Dub na siguradong ikagugulat at ikatutuwa ng mga sumusubaybay sa Kalyeserye.

Naganap kahapon ang pinakamahabang pag-uusap nina Alden at Yaya Dub nang live on national television. Rinig na rinig ang boses ni Yaya habang kausap nito si Alden.

Pero bago ito dumating si Lola Nidora na may dalang envelope na nakakandado, nandito raw ang magiging sorpresa niya sa AlDub.

Ipinakita naman ni Alden ang talent niya sa pagsasayaw sa pama-magitan ng panggagaya sa sayaw ni Lola Tinidora (Jose Manalo) with matching lambitin rin sa studio. Nag-dubsmash din ang binata na talagang ikinatuwa ng mga lola.

May tumawag naman kay Lola Nidora na nagre-report sa malaking paghahanda na magiging parte ng regalo niya sa dalawa. Pagkatapos ay si Yaya Dub naman ang tumawag at kinakamusta ang lola.

Pagtapos nila mag-usap ay pinatawag ni Lola Nidora si Maine kay Allan K para raw makausap niya si Alden. At dito na nga naganap ang mahabang pag-uusap ng dalawa.

Nagbatian muna sila ng happy monthsary bago nagkamustahan. Nagpasalamat si Maine sa mga pasalubong ni Alden sa kanya. Nag-request pa ang dalaga na gawin ni Alden ang dubsmash na ginawa nila nu’ng una silang magkita.

Pinagbigyan naman ito ni Alden at nasabi nga ni Yaya Dub na ang cute raw ng binata. Pagkatapos ay si Alden naman ang nag-request na kantahan siya ng dalaga. Kinanta ni Yaya ang “Wish I May” at sinabayan pa siya ni Alden.

Naputol naman ang linya bago pa nakapagpaalam nang maayos si Alden pero binati na lang niya ng “I miss you” on air si Maine.

Sa pagtatapos ng kalyeserye kahapon, biglang tumawag si Isadora at nagbanta na pupuntahan daw nito si Lola Nidora. Guguluhin kaya ni Isadora ang sorpresa para kina Alden at Maine? At ano nga kaya ang binabalak ni Lola Nidora para mapaligaya ang AlDub? Abangan!

Read more...