NAGPATULOY ang pag-abante ni wildcard entry Francis Casey Alcantara sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier ITF Men’s Futures 2 nang talunin si Liang Wen-chun ng Chinese Taipei, 7-6 (1), 6-1, kahapon sa PCA clay court sa Paco, Maynila.
Muntik magbayad si Alcantara sa pagiging relax sa first set dahilan upang maiwanan siya sa 5-2 iskor.
“Alam ko kaya but then sobrang relax kaya na-break niya ako at nag-5-2 siya. Kaya balik-balik lang ako sa bola niya hanggang sa mag-error siya at sa tiebreak ay nakauna ako. Sa second set, wala na akong binago,” wika ni Alcantara.
Pasok na siya sa quarterfinals ngayon at makakalaban niya ang top seed na si Enrique Lopez-Perez ng Spain na pinagpahinga si Filipino wildcard entry Johnny Arcilla, 6-4, 6-3.
“Laro lang, nothing to lose naman ako. Depende sa kondisyon niya at ako. Sana manalo pero kung hindi, opportunity ko naman ito para makalaro ang magaling na player,” dagdag ni Alcantara na nakapaluan sa pagsasanay si Lopez-Perez at aminadong malalakas ang mga bola nito.
Isa na lamang ang panlaban ng bansa sa kompetisyong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOST at Sarangani Rep. Manny Pacquiao dahil namaalam na rin sina Jeson Patrombon at Fil-Spaniard Diego Garcia-Dalisay.
Bigo si Patrombon kay Kunal Anand ng India, 6-4, 6-4, habang si Garcia ay dumapa kay fourth seed Arata Onozawa ng Japan, 6-1, 6-2.