MAGKAKAROON ng pagkakataon ang Koronadal City, South Cotabato na maipakita ang galing sa pagtayo bilang punong-abala sa multi-sports competition sa pagdaraos ng 2015 Batang Pinoy Mindanao qualifying leg sa huling linggo ng Oktubre.
Nakipagpulong si Koronadal City Mayor Peter Bascon Miguel kina PSC National Games head Atty. Ma. Fe “Jay” Alano at technical head Annie Ruiz para igarantiya na handang-handa ang siyudad na isagawa ang kompetisyon para sa mga 15-anyos pababang atleta.
“Handang-handa na ang Koronadal City sa hosting at kung bukas na ang kompetisyon ay kaya na nila gawin ito,” wika ni Alano.
Tinatayang nasa 5,000 atleta at bisita ang tutungo sa nasabing siyudad at magtatagisan ang mga ito sa 18 sports disciplines mula Oktubre 25 hanggang 29.
Ang opening ceremony ay gagawin sa Oktubre 24 sa harapan ng Koronadal City Hall upang maraming tao ang makasaksi.
Naunang nagbalak ang Koronadal na dalhin sa kanilang lugar ang 2015 Palarong Pambansa pero natalo sila ng Davao del Norte.
Dahil may mga pasilidad na silang nakatayo kaya’t tiyak na walang magiging problema hinggil dito habang nakipag-ugnayan na rin si Mayor Miguel sa Department of Education para magamit ang ilang paaralan bilang billeting ng atleta.
Ang mga larong magaganap sa edisyon ay arnis, athletics, badminton, 3-on-3 basketball, boxing, chess, dancesports, futsal, karatedo, lawn tennis, sepak takraw, softball, swimming, taekwondo, table tennis, wrestling at volleyball.
Ang mga mananalo ng medalya ay makakasali sa Batang Pinoy National Finals sa Cebu City mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2.
“We expect to discover a lot of new talents after this tournament,” dagdag ni Alano.
Sinabi naman ni Ruiz na sa Oktubre 21 magsisimula ang online registration para sa mga atletang nasa malayong lugar sa Mindanao na gustong sumali.