Satisfied sa Aquino govt dumami

pnoy1
Tumaas ang satisfaction rating ng Aquino government batay sa Third Quarter survey ng Social Weather Station.
Ayon sa survey nakakuha ang gobyerno ng 59 porsyentong satisfied, 22 dissatisfied at 18 porsyentong undecided o net satisfaction rating na 37 porsyento.
Mas mataas ito sa 31 porsyentong nakuha ng gobyerno noong Hunyo na 31 porsyento. Sa unang survey ng taon ang nakuha nito ay 19 porsyento.
Sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo, spokesman ng Koalisyon ng Daang Matuwid, na makatutulong ito sa kanilang kandidato na si Mar Roxas at running mate nitong si Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
“Makikita sa survey na gusto ng tao ang ginagawa ng gobyerno at upang matuloy ito ay iboboto nila ang mga kandidato ng administrasyon,” ani Quimbo.
Pinakamataas ang rating na nakuha ng gobyerno sa pagtiyak na sapat ang suplay ng kuryente (44 porsyento), na sinundan ng pagtulong sa mahihirap (39) at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa (37).
Sumunod ang pagpapaganda sa kalagayan ng overseas Filipino worker (34), pagkilala sa karapatang pantao (31), paghahanda sa climate change (29), pagtatanggol sa teritoryo ng bansa (28) at pagiging tapat ng gobyerno sa mga ginagawa nito (23).
Sumunod naman ang pagtiyak na naipatutupad ang katarungan (18), pagbabalik ng kapayapaan sa Mindanao (16), pagsugpo sa korupsyon (15), mabilis na pagbibigay ng solusyon sa problema (15), at paglaban sa terorismo (12).
Nakakuha naman ito ng 6 porsyento sa pagmamando sa daloy ng trapiko, na sinundan ng pagtiyak na hindi taas ang presyo ng bilihin (5), pagsiguro na hindi sinasamantala ang presyo ng produktong petrolyo (5), pagtulong sa mga naapektuhan ng gera sa Mindanao (5), pakikipagkasundo sa rebeldeng Komunista (4), paglaban sa krimen (4), pagtiyak na walang magugutom (3), at pakikipagkasundo sa rebeldeng Muslim (0).
Ang tanging isyu na nakakuha ng negative rating ang gobyerno ay ang pagtiyak na maparurusahan ang nasa likod ng Maguindanao massacre (-47).
Ginawa ang survey mula Setyembre 2-5 at kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents. Ang resulta ay unang lumabas sa Business World ang media partner ng SWS.

Read more...