Vice: Wala kaming isyu ni Sam Milby, OK kami!

vice ganda

Ang daming nagre-react na fans ni Sam Milby dahil bitin daw ang exposure nito sa Gandang Gabi Vice noong Linggo. Isa ang acoustic heartthrob sa guests ni Vice Ganda bukod kina Darren Espanto, Juan Karlos at Harana Boys.

Hindi raw ba type ni Vice si Sam dahil kakaunti palang ang nasasabi ng actor ay kinantahan na kaagad ng TV host-actor ng “Hindi Kita Iiwan” na parang inaasar kaya panay ngiti na lang daw binata.

Nagtanong kami sa taga-GGV tungkol dito, ang sagot sa amin, “The fact na ginest namin si Sam, ibig sabihin okey si Sam kay Vice.”

Sinubukan din naming i-text si Vice tungkol dito, at aniya, “Maraming guests sa episode last night, actually mahaba nga ‘yung pinalabas namin kasi originally magpo-promote lang talaga siya.

“And kaloka ‘yung hindi type, eh, magkaibigan kami ni Sam. Baka nga mag-surprise guest pa ako sa concert niya,” paliwanag pa ni Vice Ganda bilang paglilinaw sa isyu na maaaring lumaki pa kung hindi siya nagsalita agad.

Kaya hayan, maliwanag na para sa mga tagahanga ni Samuel Lloyd Milby, naubusan lang talaga ng oras ang show kaya ganu’n lang kaikli ang exposure ng singer-actor.

Ang pinromote ni Sam sa GGV ay ang pelikula nila ni Jennylyn Mercado na “PreNup” na palabas na bukas, Miyerkules for Regal Entertainment.

Habang ang 10th year anniversary concert naman niyang “The Milby Way” sa Kia Theater, Cubao ay magaganap sa dara-ting na Nov. 28.

Read more...