Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
11 a.m. FEU vs Ateneo
4 p.m. UST vs La Salle
Team Standings: UST (6-1); FEU (6-1); La Salle (4-3); Ateneo (4-3); UE (3-5); NU (3-5); UP
(3-5); Adamson (1-7)
BINALIKAN ng University of the Philippines ang Adamson University, 89-84, para bigyan ng init uli ang kampanya ng Fighting Maroons sa pagsisimula ng UAAP Season 78 men’s basketball second round kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Henry Asilum ay mayroong 6-of-11 shooting tungo sa career-high 19 puntos habang magandang laro rin ang ipinakita nina Jett Manuel, Dario Desiderio at Agustini Amar upang matapos din ang limang sunod na kabiguan matapos ang dalawang magagandang panalo sa pagsisimula ng unang round.
Bago hinarap ang laro ay sumabak muna sa isang team building ang koponan para makita ang mga naging kamalian at mapanumbalik ang naunang matikas na paglalaro nang tinalo nila ang University of the East at De La Salle University.
Si Manuel ay tumapos bitbit ang 16 puntos, si Dario ay may 14 at si Amar ay may career-high din na 13 puntos.
Sina Asilum, Manuel at Amar ay nagsanib din sa 16-of-28 shooting bagay na hindi nila nagawa sa huling limang asignatura para sa 3-5 marka.
Si Pape Sarr ay mayroong 16 puntos at 17 boards para sa Falcons na nabigong ulitin ang 73-68 panalo sa UP noong nakaraang Linggo para manatiling nasa huling puwesto sa 1-7 baraha.
Sa ikalawang laro, nakaulit ang UE Red Warriors sa National University Bulldogs, 52-47.