NU Bulldogs reresbakan ang UE Red Warriors

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UP vs Adamson
4 p.m. NU vs UE
Team Standings: UST (6-1); FEU (6-1); La Salle (4-3); Ateneo (4-3); NU (3-4); UE (2-5); UP (2-5); Adamson (1-6)

DADALAWA ang Adamson University sa University of the Philippines habang babangon agad ang National University sa University of the East sa pagsisimula ngayon ng 78th UAAP men’s basketball second round elimination sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Galing ang Falcons sa 73-68 panalo sa Fighting Maroons noong Linggo at ang momentum ng pagkakahagip ng unang panalo ang pilit nilang dadalhin sa laro na magsisimula sa ganap na alas-2 ng hapon.

Si Jerome Garcia ay pumukol ng 26 puntos at sisipatin kung makakaya niya uling balikatin ang laban ng Falcons para umangat pa sa team standings.

Pagsisikapan naman ng nagdedepensang kampeon Bulldogs na maitabla ang baraha sa 4-4 kung magwagi sa Red Warriors sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.

Dumapa ang NU sa Far Eastern University sa labanan ng mga koponang nagtuos sa titulo noong nakaraang taon, 59-61, para mabigo sa tangkang makasalo sa ikatlong puwesto kasama ang De La Salle University at Ateneo de Manila University na mayroong 4-3 karta.

Makadaragdag na motibasyon sa tropa ni NU coach Eric Altamirano ang hangaring mabalikan ang UE na umukit ng 76-71 tagumpay sa unang pagkikita.

Hindi naman puwedeng balewalain ang kakayahang manalo uli ng Red Warriors lalo pa’t ang koponan ay magnanais na putulin ang limang dikit na kabiguan para maging palaban pa sa titulo.

Read more...