WE had a decent showing last year. But that’s not our goal this year. We want to do better.
That, in a nutshell, was the declaration made by the bigwigs of the NLEX Road Warriors noong Martes nang ipakilala nila sa media people at mga fans ang mga miyembro ng kanilang koponang papalaot sa 41st season ng PBA na mag-uumpisa sa Oktubre 18.
Kakaiba ang presentation na nangyari noong Martes sa Meralco Gym. Hindi tulad ng nangyari noong isang taon nang ganapin ang pagpapakilala ng koponan sa isang events place sa Greenhills.
Noong isang taon kasi ay mga media people lang ang imbitado. Launching kasi iyon ng NLEX na bagong sali sa PBA matapos na mabili ang prangkisa ng Air21. So, mas sosyal ang dating noon.
Pero noong Martes, aba’y may sporty atmosphere. Kasi nga ay sa hardcourt ginawa ang gathering. May lights at fog machine na ginamit. May callout kung saan isa-isang lumabas ang mga manlalaro ng NLEX buhat sa isang sulok ng gym at dumiretso sa gitna ng hardcourt. Para bang ‘yung nagaganap tuwing championship game ng PBA na isa-isang tinatawag ang players ng magkabilang teams.
Sa kabuuan ay 22 lahat ang manlalarong tinawag at dumiretso sa gitna. So, hindi pa iyon ang final lineup ng NLEX sa pagbubukas ng season. Ang tiyak lang na bahagi ng koponan ay ang inihayag na starting unit ni coach Boyet Fernandez. Ito ay kinabibilangan nina Paul Asi Taulava, Enrico Villanueva, Mark Borboran, Jonas Villanueva at Mark Cardona.
Biniro ko nga si team manager Ronald Dulatre at tinanong: “May balak ba kayong magtayo rin ng team para sa PBA D-League? Kasi parang pang-dalawang teams ang lineup ninyo, e.
Natawa lang si Ronald at sinabing lahat naman ng manlalarong naroon ay bahagi ng team kahit na hindi mapasama sa official lineup. Katunayan, mayroon pa ngang ibang mga manlalarong wala sa pagtitipon na bahagi rin ng NLEX team. Kasi, ang ibang players ng NLEX ay naglalaro sa MVP Cup.
Dito mo lang makikita ang tunay na pagmamahal at pagpapahalaga ng NLEX sa mga players nito. Biruin mong napakarami ng miyembro ng team. Lahat ng players at pamilya ng mga ito ay itinuturing na bahagi ng team.
Katunayan, kasama nga ang lahat ng ito sa team building na isinagawa ng koponan kamakailan.
At ibang klase talaga ang turingan nila. Kaya naman kahit na pinayagan ng management na magkaroon ng time off si Taulava matapos na magbalik buhat sa stint niya sa Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Championship, aba’y hindi ito lumiban. Nais ni Taulava na ipakitang seryoso siya sa pamumuno sa team na ito. Nais niyang hindi lang decent ang kanilang abutin sa ikalawang taon nila sa PBA. Nais niyang umabot sila sa championship round at magwagi ng titulo.
At kung ganoon ang nasa isipan ni Taulava, ganoon ang nasa isipan ng lahat ng miyembro ng NLEX.
Tama na raw ang isang taong pagmamatrikula nila sa PBA. Oras na para sila mamayagpag.
Alalahanin na lang daw ng lahat na may championship tradition ang NLEX. Nagwagi ito ng anim sa unang pitong titulo sa PBA D-League.