SINIMULAN nang tutukan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang reklamo ng women’s group Gabriela sa diumano’y pagbubugaw kay Angelica Jane Yap, mas kilala sa tawag na “Pastillas Girl” sa noontime show na “It’s Showtime”, para maitaas ang rating nito.
Sa liham noong Oktubre 1, hiniling ni MTRCB Chair Atty. Eugenio Villareal sa “It’s Showtime” director na si Norbert Vidanes, Business Unit Head Reilyl Santiago and Executive Producer Mark Rejano na dumalo sa dialogue na gagawin ng Special Sub-Committee ng MTRCB’s Gender And Development (GAD) committee sa Oktubre 13.
Ginawa ito bilang pagtugon sa reklamo ng Gabriela at feedback na rin mula sa general public.
“Further to the Memorandum of Understanding dated 28 March 2012 by and between our Agency and various television networks and entities, including ABS-CBN Corporation, as well as the official letter we received last week from the party-list alliance Gabriela, not to mention some feedback from the general public, we are impelled to invite your authorized representatives for the program ‘It’s Showtime’ to a dialogue with the Special Sub-Committee of our Gender And Development (GAD) Committee on 13 October 2015, at 10:00 a.m., at ground floor conference room,” ayon sa sulat ng MTRCB sa “It’s Showtime”.
Tinanggap na rin ni Gabriela Secretary General Joan Salvador at ABS-CBN’s TV Production Entertainment Head Laurenti Dyogi ang liham ng MTRCB.
Sumulat noong Set. 21 ang Gabriela at hiniling nito sa mga producer ng programa na ihinto ang segment nitong “Pastillas Girl” dahil gingamit nito ang babae para mapataas ang rating
Ang “Pastillas Girl” segment ay sumesentro sa paghahanap ni Yap ng bagong love interest matapos siyang i-break ng dating boyfriend.
Ang segment ang gustong ipantapat ng Kapamilya network sa Kalyeserye ng Eat Bulaga na nasa kalabang network na GMA.