Naharang ng mga tropa ng pamahalaan ang improvised bomba, nang ito’y iwan ng mga hinihinalang kasapi ng Abu Sayyaf malapit sa isang checkpoint sa Jolo, Sulu, kamakalawa (Lunes) ng gabi, ayon sa militar.
Iniwan ang improvised explosive device (IED) malapit sa checkpoint ng Marines sa Airport Road, Brgy. San Raymundo, dakong alas-7:30, sabi ni Brig. Gen. Alan Arrojado, commander ng Armed Forces Joint Task Group Sulu.
Nagtse-checkpoint ang isang team ng Marine Battalion Landing Team-2, nang huminto sa layong 20 metro ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo.
Nang tila magloko ang makina ng motorsiklo’y bumaba ang backrider, nag-iwan ng isang tumpok ng lanzones sa kalsada, itinulak ang motor palampas ng checkpoint, at tumakas kasama ang driver, ani Arrojado.
Matapos iyo’y ininspeksyon ng mga kawal ang iniwan ng mga naka-motor, at natagpuan sa loob ang mga wire at IED, aniya.
Matagumpay na nadisarma ng mga kawal ang bomba, na gawa sa dalawang bala ng 60-millimeter mortar, isang kahong may 2 kilo ng pampasabog na ammonium nitrate/fuel oil, tatlong 9-volt battery, at isang cellphone.
Naniniwala si Arrojado na ang bomba ay balak itanim sa kampo ng millitar, pero nabigo ang mga suspek na makumpleto ang plano.
“Tumakbo ang mga carrier nito at di na nahabol kasi gabi,” aniya, sabay dagdag na malaki ang posibilidad na Abu Sayyaf ang mga suspek.