SINABI ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na naaresto ng mga otoridad ang isa suspek sa pagdukot sa tatlong mga banyaga at isang Pinay Island Garden City of Samal noong Setyembre 23.
Sa isang ambush interview, idinagdag ni Duyerte na isa pang suspek ang nakilala na kabilang sa mga sangkot sa pagkidnap sa mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall; Norwegian Kjartan Sekkingstad, manager ng Holiday Oceanview marina; at Pinay na si Marites Flor.
Kinilala ni Duterte ang naarestong suspek na si Pandajar Adona alyas Banon, na positibong kinilala sa pamamagitan ng CCTV footage na nakuha ng mga otoridad mula sa pinangyarihan ng pagdukot.
Hindi naman niya pinangalanan ang isa pang suspek, na patuloy na pinaghahanap.
Noong isang linggo, sinabi ng isang opisyal na may dalawang lokal na kontak ang mga dumakot na nanatili pa sa mga bahay nito ng tatlong araw bago isagawa ang pagdukot.
Hawak umano ng isa sa mga lokal na kontak ang cellphone na nakuha ng mga kindnapper mula sa Amerikanong si Steven Tripp at kanyang Japanese na asawang si Kazuka. Nakaligtas ang mag-asawa mula sa pagkakadukot matapos tumalon sa yate.
Nauna nang sinabi ni Duterte na dinala na sina Ridsdel, Hall, Sekkingstad, at Flor sa Sulu.
Aniya, aabot sa 11 ang mga dumukot na kaalyado ng Abu Sayyaf o mga miyembro ng bandidong grupo.