APAT na beses nang napapanood ni Kris Aquino ang kalyeserye ng Eat Bulaga na pinagbibidahan nina Alden Richards at Maine Mendoza alyas Yaya Dub.
Isa ito sa mga naging mainit na topic sa isinagawang “Instagram party” ng TV host-actress kung saan pinagbigyan niya ang kanyang mga IG followers na magtanong ng kahit ano tungkol sa kanyang career at personal life at sasagutin niya isa-isa.
Maganda ang mood ni Kris kagabi dahil na rin sa success ng pelikula nilang “Etiquette For Mistresses” kung saan kasama niya sina Kim Chiu, Claudine Barretto, Iza Calzado at Cheena Crab.
At isa nga sa mga naitanong sa kanya ay kung nakapanood na ba siya ng kalyeserye ng Eat Bulaga sa GMA 7.
Diretsong sinabi ni Kris na apat na beses na niyang nasilip ang kalyeserye ng AlDub. Inamin din niya na pareho na niyang nakilala nang personal sina Alden at Maine.
Nagkakilala sila ni Yaya Dub sa isang event ng LBC kung saan dina-dubsmash nito ang TV host-actress habang nagkita naman sila ni Alden noong 2013 sa studio ng Eat Bulaga. Nagulat pa nga raw ang binata nang malamang kilala siya ni Kris.
“I met Alden in 2013 in the Eat Bulaga studio. Nagulat sya I knew him – even back then syang crush Ng household namin. MABAIT sya so deserving of his success. But of course, alam nyong super love ko si @privatebenjamin,” ani Kris na ang tinutukoy nga ay si Vice Ganda, isa sa mga host ng It’s Showtime na kalabang show naman ng Eat Bulaga.
Isa naman ang nagtanong kung ano ang masasabi niya sa AlDub phenomenon, ang tugon ng mommy nina Joshua at Bimby, “NAPAKABAIT ni Mr. T (Tony Tuviera) – super happy for him because he is a proof that God rewards kindness & generosity.