Tatlo katao na ang kumpirmadong nasawi habang 57 ang nawawala pa, dahil sa mga epekto ng bagyong “Kabayan” sa hilagang Luzon, ayon sa mga awtoridad kahapon.
Nadagdag sa listahan ng mga nasawi si Artemio Quintero, residente ng Infanta, Pangasinan, at isa sa mga mangingisdang inabutan ng bagyo sa gitna ng dagat, sabi ni Melchito Castro, direktor ng Office of Civil Defense-1.
Narekober ang bangkay ni Quintero sa Agno, habang ang kasama niya sa bangkang Josahina ay naligtas, sabi ni Castro sa kanyang ulat.
Nasawi naman sa tuklaw ng ahas si Raquel Camilo, 57, ng Bongabon, Nueva Ecija, at nalunod si Samuel Corcoro, 29, ng Maria Aurora, Aurora province, sabi ni Josefina Timoteo, direktor ng Office of Civil Defense-3.
Limampu’t pitong mangingisda pa ang nawawala sa Pangasinan, La Union, Aurora, at Zambales, matapos abutan ng masamang panahong dulot ni “Kabayan” sa dagat, ayon sa ulat nina Castro at at Timoteo.
Kahapon ay patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga nawawala, gamit ang mga barko’t helicopter ng Coast Guard, pati na ang isang eroplano ng Navy.
Ipinadala ang Navy Islander plane sa bahagi ng West Philippine Sea na mahigit 12 nautical miles ang layo sa kalupaan para tumulong sa paghahanap, ayon sa Naval Task Force-40.
Iginiit ng OCD-1 na nagpakalat ito ng sapat na babala para di na pumalaot ang mga mangingisda bago dumating ang bagyo, pero marami pa ring nagpumilit na maglayag.
“Patuloy ‘yung pagbibigay namin noon ng mga advisory, pero as usual, may mga matitigas ang ulo, lumayag pa rin, kaya madami pa ring nadatnan ng bagyo,” sabi ni Mark Masudog, information officer ng OCD-1.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang OCD-1 sa Coast Guard at mga lokal na pamahalaan para alamin kung naiparating ng mga ito sa mga mangingisda ang babala.
Umabot sa 193,825 katao ang naapektuhan ng bagyo sa Aurora, Bulacan, Nueva Ecija, at Zambales, ayon naman kay Timoteo.
Nakapagtala din ng P1.16 milyon halaga ng pinsala sa agrikultura at 216 nasirang bahay sa Aurora lamang, aniya.