ONE Orlie Jacob made an open letter to Joey de Leon when the comedian posted, “Yung Heneral Luna siguradong box office hit agad kung binigyan ng cameo role si Alden as Rizal and Maine as…SISA” on his Twitter account.
“Naniniwala ako na bawat isa sa atin ay may karapatang magbitiw ng mga salita base sa kung ano ang nilalaman ng ating puso. Subalit hindi lahat ay katanggap-tanggap, lalo pa’t ito ay negatibo o nakasasakit sa damdamin ng isang tao.
Sabi mo nga minsan sa isang interview mo sa isang Talk Show: ‘Respect begets respect,’ na sinasang-ayunan ko. “Pero teka, bakit kailangan mong ikumpara ang sikat na sikat na #Aldub sa pelikulang #HeneralLuna? na para bang minamaliit mo ang isang de-kalidad na pelikulang ito na dapat lamang tangkilikin ng bawat mamamayang Pilipino? Dahil sa totoo lang, ano ang kinalaman ng Aldub sa pelikulang Heneral Luna?
“At ayon sa ‘yong komentaryo, mas kikita o box office hit agad ang Heneral Luna kapag si Alden ay kasama sa cast bilang Rizal at si Maine bilang Sisa. Bakit? Hindi pa ba sapat ang mga magagaling na aktor/aktress na kasama sa buong cast para kumita ang pelikulang ito?
“Tila yata may mali sa’yong tinuran. Dahil sa pagkakaalam ko, wala pang na-patutunayan pagdating sa pag-arte sa big screen si Maine para ikumpara ito sa mga mahuhusay na artista sa nasabing pelikula.
At walang duda, sikat na sikat ngayon ang tambalang Alden at Maine. Pero iba ang Heneral Luna na nagpapakita ng totoong kasaysayan na naganap sa ating bansa noong kapanahunan ni Luna at iba pang magigiting nating mga bayani.
“Uulitin ko, isa kang respetado at tinitingalang aktor sa ating bansa. Pero sa puntong ito, nakalulungkot isipin na sa ‘yo pa mismo nanggaling ang mga gayong salita na sa totoo lang ay BELOW THE BELT.“
Naiintindihin ko rin na opinyon mo ang anumang salita o komentaryo na iyong sinabi, sinasabi o sasabihin mo pa lang. Pero utang na loob, ang HE-NERAL LUNA ay hindi dapat ikinukumpara sa kahit anumang love team — kahit pa pabiro.
Dahil ito ay isang pelikula na tumutukoy sa ating kasaysayan na dapat lamang panoorin, bigyang-halaga at maging ihemplo sa bawat isa sa atin.
“Dahil sa totoo lang, hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan natin ng puro kaki-kiligan. Bagkus, kailangan natin ng magandang ihemplo na magbubukas sa kamalayan ng bawat isa sa atin sa realidad at hindi sa isang pantasya lamang.
At bilang pangwakas…HINDI LAHAT NG BIRO AY NAKATUTUWA!” ‘Yan ang mahabang aria ni Orlie. Any comment, Joey?