MAKAKAASA ang Philippine Azkals ng mas maraming manonood sa kanilang huling dalawang home games sa idinadaos na 2018 FIBA World Cup Russia qualifiers.
Ito ay matapos magdesisyon ang Philippine Football Federation (PFF) na ilipat na ang palaruan mula sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan tungo sa Rizal Memorial Football Stadium sa Malate, Maynila para sa huling dalawang home games kontra sa Yemen sa Nobyembre 12 at North Korea sa Marso 29, 2016.
Ang palaruan sa Bulacan ang siyang pinagdausan ng aksyon ng Azkals kontra sa Bahrain at Uzbekistan na kung saan nanalo ang home team sa una (2-1) at natalo sa huli (1-5). Pero kaunti lamang ang nanood dito dahil sa layo ng palaruan.
“We have requested for the change in venue from the Philippine Sports Stadium in Bulacan to Rizal Memorial Stadium because we want to give the fans an easier ride for them to watch the games. We hope the fans would come,” wika ni PFF secretary-general Ed Gastanes.
Nasa Group H ang bansa at may 2-1 karta para makasalo ang Uzbekistan sa pangalawang puwesto.
Apat pang laro ang haharapin ng nationals at sa Oktubre 8 ay katunggali ang wala pang talo matapos ang tatlong laro na North Korea sa Pyongyang.
Mabigat ang laban at hindi malayong mabigo ang dayong koponan kaya’t magiging mahalaga ang makukuhang resulta sa huling tatlong laro.
Bukod sa dalawang home games ay may isang away game ang koponan laban sa Uzbekistan sa Marso 26 sa Tashkent.
Sa walong grupo hinati ang 40 bansang naglalaban-laban at ang mangungunang bansa bawat grupo ay sasamahan ng apat na bansang may sunod na pinakamataas na tinapos para umusad sa third round.