NAPAGTAGUMPAYAN ng National University Pep Squad ang maihanay ang sarili sa mga 3-peat champions nang nagkampeon uli sa 2015 UAAP Cheerdance Competition kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakumbinsi ng NU ang mga hurado gamit ang magandang pangkalahatang pagtatanghal para maisantabi ang ilang pagkakamali tungo sa nangungunang 668 puntos.
Ang mga hurado ay nagbibigay ng grado sa ipinakikitang tumbling, stunts, tosses, pyramid at dance at ang kabuuang puntos dito ay ibabawas sa mga pagkakamali sa pagtatanghal.
Lumabas ang NU na may 91.5,70.5, 84, 88 at 340 puntos sa limang kategorya at nabigyan ng anim na penalty points tungo sa nangungunang iskor.
Ang UST Salinggawi Dance Troupe ang pumangalawa sa 651.5 puntos habang ang host UP Pep Squad na walang penalty na nakuha sa pagtatanghal ay pumangatlo lamang sa 610.5 puntos.
“It is their skills that is above class,” wika ni head judge Paula Nunag sa pagkapanalo ng NU.
“In every competition ay puwede kaming manalo o matalo at hindi kami naniniguro. Sa faith kay God na despite our flaws we were able to manage it at made sure na malayo ang score namin sa kalaban,” wika ni NU coach Ghicka Bernabe.
Hinagip ng koponan ang P340,000 bukod sa karagdagang P190,000 cash at goods mula sa ibang sponsors sa nakuhang tagumpay.
Ang dating mga 3-peat champions ay ang UST at UP na nagkaroon din ng P200,000 at P140,000 bukod sa dagdag premyo sa mga nagtaguyod ng kompetisyon.
Record crowd na 25,388 ang sumaksi sa kompetisyon ay ang FEU Cheering Squad (583.5), UE Pep Squad (583), De La Salle Animo Squad (536.5), Adamson Pep Squad (513.5) at Ateneo Blue Babble Battalion (412) ang kumumpleto sa tinapos ng mga kalahok.
Hinirang naman ang UST bilang kampeon sa Group Stunts habang ang NU at ang dating kampeon FEU ang pumangalawa at pumangatlo.