MALAKI ang paniniwala ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) sa kakayahan ni Ernest John Obiena para makapag-qualify sa 2016 Rio Olympics.
“Nakita ko siya mula bata pa at nakita ko rin personal noong nag-break siya ng kanyang Philippine record. Talagang malaki ang improvement niya at nape-predict ko na makaka-qualify siya,” wika ni Patafa secretary-general Renato Unso.
Umabot na sa 5.45 metro ang nalalampasan ni Obiena sa pole vault at ito ay kapos na lamang ng 25 sentimetro sa Olympic standard na 5.70m.
Naabot ng 19-anyos at 6-foot-1 na si Obiena ang marka sa idinaos na Patafa Weekly relay kamakailan sa Philsports Oval sa Pasig City.
Hindi naman kontento pa si Obiena dahil nais niyang itaas pa ito bago matapos ang taon.
“Goal ko po ay makaabot sa 5.50m para lumapit pa sa standard. May competition pa ako sa December sa UAAP at sa weekly relay at hopefully ay makuha ko ang target ko,” wika ni Obiena.
Sa unang apat na buwan ng 2016 umaasa si Obiena na makuha na ang Olympic standard para magkaroon din ng panahon para mapaghandaan mismo ang Olympics.
Wala pang Filipino pole vaulter na nakapaglaro sa Olympic Games at kahit ang ama at coach ni EJ na si Emerson ay hindi nakaabot sa pinakaprestihiyosong kompetisyon sa mundo.
“Ang problema kasi dati ay equipment. Pero sinasabi ko kay EJ na sisikapin kong hindi mangyari ito sa kanya ngayon,” ani Emerson.
Matapos ang kompetisyon sa Disyembre ay tutulak agad ang mag-ama patungong Formia, Italy para magsanay uli sa batikang coach na si Vitaly Petrov.