Alden, Yaya Dub ‘hinahanting’ na ng mga politikong tatakbo sa 2016

ALDEN RICHARDS AT MAINE MENDOZA

ALDEN RICHARDS AT MAINE MENDOZA

NAPAKARAMI nang pulitikong tatakbo sa susunod na halalan ang nagtatanong sa amin kung sino ang kanilang kakausapin para lang makuha nila ang serbisyo ng AlDub para sa kanilang kampanya?

Sa pag-iikot daw kasi nila sa kanilang komunidad ay sina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) ang hinihingi sa kanila, pakiramdam ng mga nasabing pulitiko ay napakalaking panghatak para sa kanilang boto ang mga sikat na sikat na personalidad ngayon, kaya bakit nga naman hindi sila mamumuhunan?

Sina Alden at Maine ay nakakontrata sa TAPE, Incorporated sa pagkakaalam namin, sila ang namamahala sa karera ng sikat na loveteam, kaya ang produksyon ni Mr. Tony Tuviera ang kailangang kausapin ng mga pulitikong naghahangad na makasama sa entablado de kampanya ang AlDub.

Kunsabagay, utak ang pinagagana ng mga pulitiko, kung nakakakuha nga naman nang milyun-milyong tweets ang AlDub ay napakalaking bentahe nu’n para sa kanila.

Ang twenty six million tweets sa maghapon lang ay nakawiwindang, ganu’n katindi ang suportang ibinibigay sa kanila ng ating mga kababayan, kung isasalin nga naman sa boto ang mga tweets ng AlDub ay siguradong mananalo ang kanilang mga ieendorsong serbisyong-bayan.

Lahat ay nakikisakay na sa kasikatan ng AlDub. May mga negosyante nang naglalabas ng mga pamaskong regalo na sina Alden at Maine ang nakaretrato, matindi ang epidemyang ipinakalat sa hangin ng tambalang ito.

Read more...