Uso na naman ang balimbing

TALAGANG maaga nagsimula ang eleksyon.

Kung dati-rati ay pinatatapos pa ang Pasko bago ang bakbakan (magastos kasi kapag maaga nagdeklara, maraming namamasko na hindi pwedeng matanggihan) ngayon hindi pa nakakapaghain ng certificate of candidacy, game na.

At hindi lamang nararamdaman ang init sa mga national position kundi maging sa lokal na posisyon ?
Sa isang bayan sa Bulacan, ako ay nabulungan kaugnay ng bilihang naganap o nagaganap.

Hindi lang daw mga pulitiko ang binabayaran ng kampo ng gustong maging mayor para bumaliktad at kumampi sa kanya sa sususnod na halalan.

Pinababaliktad din daw ng mayor-wannabe ang mga binabayarang pulitiko para bawiin ang kanilang mga pirma sa mga proyekto na nauna ng inaprubahan ng konseho.

Sa pulitikang Pinoy ay ordinaryo na yata ang ba-limbingan ng mga pulitiko. Kung saan sila makikinabang ay roon sila pupwesto. Takot mawala sa posisyon kaya kailangang dumikit sa malakas at mapera.

Pero hindi lang ang mga pulitiko ang puntirya ng kampo ni mayor wannabe.

Hinahanap na rin ng kanyang grupo ang mga botante na nagparehistro. Matapos magpalista, pinupuntahan ng kanyang mga bata ang mga bagong nagpatala para makaboto sa eleksyon sa 2016.

Ang siste, binibili ng grupo ni mayor-wannabe ang mga registration stub ng mga nagparehistro.

Ang turing sa bawat registration stub ay P300. Kaya lang nakarating sa atin na P500 pala ang budget dito. Binabawasan ng kanyang mga ahente na siyang kumikita ng malaki.

Ang ginagawa lang nila ay abangan ang mga nagparehistro at pera na. Mabango pa sila sa kanilang boss dahil nagagawa nila ang utos.

Ang tanong ay para saan kaya gagamitin ang registration stub? Hindi naman ito magagamit ng mga flying voters para ma-kaboto.

Gusto yatang malaman ng mayor-wannabe kung sinu-sino ang mga boboto sa eleksyon para sigurado sila kung sino ang susuyuin at saka babayaran. Sa ganitong paraan ay hindi masasayang ang kanilang pondo.

Hindi nga naman kasi naiiwasan na mayroong mga tao na binibili pero hindi naman pala maka-kaboto dahil hindi naman rehistrado. Sayang ang pera.

Nakatutulong naman pala itong si mayor wannabe sa mga residente ng bayan na kanyang tinatakbuhan para hindi na magsangla at kumapit sa patalim.

Ang tanong lang ay kung papaano niya babawiin ang kanyang mga ginastos kapag siya ay nasa puwesto na.

Usapang lokal din. Mukhang magiging exciting ang eleksyon sa Maynila.

Alam nating lahat na hindi tutupad si Mayor Joseph Estrada sa kanyang sinabi noon na isang term lang siya sa siyudad.
Kaya nga problema si Vice Mayor Isko Moreno na pinatatakbo na lang sa pagkasenador dahil last term na siya at hindi aalis si Estrada.

Mukhang babalik si dating Mayor Alfredo Lim na nakalaban ni Estrada noong 2013 elections.

At si Manila Rep. Amado Bagatsing ay gusto ring tumakbo. Sa pagtatanong sa Kongreso sinasabi nila na si Bagatsing ang malakas. Marami daw dismayado sa pamamalakad ni Estrada na hindi tinotoo ang kanyang ‘Erap para sa Mahirap’ propaganda.

Ang dating kumampi kay Estrada na si Buhay Rep. Lito Atienza ay hindi rin natutuwa sa kanyang pamamalakad.

Bukod sa Maynila ay mukhang magiging mabigat din ang laban sa San Juan kung saan matagal na nag-mayor si Estrada.

Mukhang hindi na maiiwasan ang banggaan ng mga Estrada at ng pamilya ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora na matagal nilang naging kaalyado.

Read more...