Nagsalita na ang mga numero! Magpapatutsadahan na lang at magpaparinigan ang magkabilang kampo pero ang sagot sa tanong kung ano at sino talaga ang tinutukan ng sambayanang Pinoy nu’ng nakaraang Sabado ay nahusgahan na.
Nagdudumilat ang katotohanan sa mga lumabas na numero – 45.7% ang nakuhang rating ng Eat Bulaga at nakalulungkot namang 11.9% lang ang nakopo ng It’s Showtime.
Sa nationwide survey naman ay umariba uli ang Eat Bulaga sa rating na 37.2% at ang It’s Showtime ay nakaagaw naman ng ibang manonood sa rating na 17.4%
Sa worldwide na labanan ay nakapagtalga ang Eat Bulaga ng makasaysayang 26 milyong tweets kumpara sa 8 million lang ng kabilang programa.
Wala nang kailangan pang pagtalunan ngayon, ang katas-taasang hukuman na ng mga programa sa telebisyon ang humusga, pinakain ng alikabok ng Eat Bulaga ang It’s Showtime.
Isang patunay lang ito na harangan man ng sibat ay talagang panalo ang AlDub, panahon kasi nila ngayon, kanila ang entablado at sina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) talaga ang pinapaboran ngayon ng ating mga kababayan.
Hindi naman sa nasayang, pero anumang pagta-tumbling ang gawin ngayon ni Vice Ganda at ng kanyang mga kaalyado ay mawawalan ng saysay, dahil ang isinusubo at idinidighay ngayon ng mga Pinoy ay ang AlDub.