Coco sa pinakaseksing bahagi ng kanyang katawan: Dila po!

COCO MARTIN

COCO MARTIN

NAKAKAALIW ang naging one-on-one interview kay Coco Martin sa pilot episode ng Tonight With Boy Abunda (kapalit ng Aquino & Abunda Tonight) nu’ng Lunes ng gabi.

Maraming inamin ang Teleserye King na ngayon lang nalaman ng kanyang fans, lalo na ang mga “first” sa buhay niya.

Ayon kay Coco, natatandaan pa niya na ang pangalan ng first love niya ay Mary Jane Lee. Grade 5 siya nu’ng maranasan niya ang puppy love.

His first heartbreak naman daw ay noong nasa college pa siya, ayon sa binata, ipinagpalit daw siya sa ibang lalaki nu’ng girl. Dahil daw sa sakit na naramdaman niya, napilitan siyang uminom ng alak.

Naniniwala rin ang aktor na, “Para maka-heal sa puso mo kailangan umibig ka muli,” at yun nga ang kanyang ginawa.

Sa tanong ni tito Boy Abunda kung saan niya ginastos ang unang P1 million na kinita niya sa pag-aartista, aniya, ipinambili niya ito ng pampasaherong jeep para sa kanyang tatay.

Binili niya ito para hindi na nakikipasada ang kanyang ama. Sey pa ni Coco, “Rumaket ako nang rumaket para hindi mawalan ng biyahe si Papa.”

Para naman sa huling tanong ni tito Boy kung ano ang pinakaseksing bahagi ng kanyang katawan para sa kanya, ang sagot ng aktor, “dila!”

Samantala, muling pinatunayan ni Coco ang kanyang pagiging Teleserye King dahil sa suportang ibinigay sa kanya ng Kapamilya viewers sa pagsisimula ng kanyang bagong teleserye sa ABS-CBN last Monday, ito ngang Ang Probinsiyano.

In fairness, kahit ang mga kapitbahay namin sa Cainta, Rizal ay nagsiuwian nang maaga para maabutan ang pilot episode ng Ang Probinsiyano. At karamihan nga sa kanila ay talagang solid supporter ng nag-iisang Da King na si Fernando Poe, Jr.. Gusto raw kasi nilang makita kung ano ang gagawing atake ni Coco sa pinasikat na karakter ni FPJ sa movie version nito.

At kami na ang magsasabi, bitin na bitin ang mga manonood sa unang pasabog ng serye kaya promise nila, simula ngayon kailangan daw TV Patrol pa lang ay nasa bahay na sila para hindi nila mapalampas ang kahit isang episode ng Ang Probinsiyano! Ha-hahaha! Spell ADIK!

Kasama rin ni Coco sa Primetime Bida series na ito sina Bela Padilla, Maja Salvador, Ms. Susan Roces, Jaime Fabregas, Arjo Atayde, Joey Marquez, Agot Isidro at marami pang iba, sa direksiyon nina Malu Sevilla at Avel Sunpongco.

Read more...