PCA Open finals hahataw ngayon

KLASIKONG pagtatapos ang inaasahang matutunghayan sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event ngayon sa PCA clay courts sa Paco, Maynila.

Sa ganap na ala-1 ng hapon ay magpapang-abot ang beteranong si Patrick John Tierro laban sa pinakamahusay na junior player ng bansa na si Alberto Lim Jr. para sa kampeonato sa men’s singles.

Naipakita ng 16-anyos na si Lim na handa na niyang harapin ang mga tinitingalang  men’s netters nang pagpahingahin ang mga Davis Cuppers Francis Casey Alcantara at eight-time champion Johnny Arcilla sa quarterfinals at semifinals na pareho ring umabot sa tatlong sets at tumagal ng mahigit na dalawang oras.

“Malaki po talaga ang natutunan ko sa paglalaro sa labas ng bansa. Ang nakuha kong karanasan ang ginagamit ko rito,” wika ni Lim.

Kung palarin siya, si Lim ang lalabas bilang ikalawang pinakabatang tenista na nagkampeon sa larong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOSTI at Sarangani Province Rep. Manny Pacquiao.

Si Manny Tolentino ang pinakabatang kampeon dahil edad 15 siya noong nanguna sa unang edisyon ng kompetisyon noong 1981.

“Malaki talaga ang improvement niya. We’ll see,” wika ng 6-foot-1 na si Tierro na nais na mapanatili ang titulo sa kanyang kamay.

Best-of-five ang labanan at ang mananalo ay magbubulsa ng P50,000 gantimpala habang P25,000 ang mapupunta sa papangalawa.

Magsisilbing panghimagas ang labanan nina Clarice Patrimonio at Maia Balce sa women’s title match sa ganap na alas-11 ng umaga.

Pinangatawanan ni Patrimonio ang pagiging top seed nang manaig kay third seed Edilyn Balanga, 6-2,7-6(5), habang binigo ni fourth seed Balce ang sana ay labanan ng magkapatid na Patrimonio nang kunin ang 7-6(4), 6-3 panalo kay Christine Patrimonio.

Isinantabi ng 17-anyos fourth-year high school mag-aaral ng St. Paul Pasig ang 1-3 iskor sa second set nang naipanalo ang sumunod na limang laro.

Ito ang unang pagkakataon na sumali si Balce ngunit bibigyan siya ng magandang hamon ni Patrimonio na nais ang kanyang kauna-unahang PCA title.

Read more...