‘Million March’ para kay Duterte nilangaw

BIGONG makakuha ng 1 milyon katao para dumalo sa “Million March: Run Duterte Run” ang mga organizer nito na nagsusulong sa presidential bid ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Sa isinagawang rally sa Quirino Grandstand sa Maynila, ilang libo lang ang dumalo sa pagtitipon alas-2 ng hapon sa Burnham Gardens sa harap ng Quirino Grandstand.

Unang naka-schedule ang sinasabing “Million March”  noong Setyembre 15 sa Quirino Grandstand ngunit inilipat ito ngayong Setyembre 26.

Bago pa ang nakatakdang pagtitipon, hiniling ni Duterte na huwag nang ituloy ang rally dahil sa hindi naman siya dadalo at hindi na mababago ang kanyang isip sa hindi pagtakbo sa 2016 presidential elections.

“They request for me to run for president. I would like you to do me a favor this time. Pakisabi lang sa lahat huwag nilang gawin sana iyan kasi it would complicate matters. Baka sabihin ng tao atras-abante ako,” pahayag ni Duterte.

Gayunman, patuloy pa ring umaasa ang mga taga-suporta ng alkalde na magbabago ang isip nito.

Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station at Pulse Asia, nasa ika-apat na pwesto si Duterte.  Nangunguna pa rin sa listahan si Senador Grace Poe, na sinusundan nina Vice Presidente Jejomar Binay at dating Interior Secretary Mar Roxas.

 

Read more...