MATINDING pagbangon buhat sa masakit na pagkatalo ang ipinakita ng Gilas Pilipinas matapos nitong tambakan ang Hong Kong, 101-50, sa 2015 FIBA Asian Men’s Championship preliminary round sa Changsha Social Work College gym sa Changsha City, China kahapon ng umaga.
Pinangunahan ni Jason Castro ang opensa ng Gilas sa kinamadang 21 puntos kabilang ang 5-for-6 shooting mula sa 3-point area para maitala ng Pilipinas ang pinakamalaking puntos na panalo sa torneo sa kasalukuyan.
“Coach (Tab Baldwin) asked me to take over for this game,” sabi ni Castro sa international media matapos tumira ng 7-of-9 mula sa field at 2-for-2 mula sa charity stripe sa 19 minutong paglalaro. “In the first game, my job was to distribute (the ball) and it didn’t work out.”
Si Andray Blatche ay nagtala ng 17 puntos at walong rebounds sa 18 minutong paglalaro para sa Pilipinas, na binuhay ang pag-asang makuha ang top seeding sa Group B bunga ng tambakang panalo.
Si Dondon Hontiveros ay nag-ambag ng 14 puntos kabilang ang 4-for-6 3-point field goal shooting.
“Much better effort today,” sabi ni Baldwin. “Lots of good things come from effort and lots of bad things come from the lack of it. Today, the result speaks for itself. Effort is a choice, today our effort was really good.”
Ang Pilipinas at Hong Kong ay kapwa may 1-1 karta sa kasalukuyan at ang three-way tie para sa top spot ay posibleng mangyari kung tatalunin ng Hong Kong ang Palestine at ang mga Pinoy cagers ay magwawagi kontra Kuwait ngayon.
Sa nasabing scenario, ang triple tie ay mangyayari sa 2-1 karta at ang Pilipinas, na naungusan ng Palestine, 75-73, noong Miyerkules, ay makukuha ang pinakamagandang quotient bunga ng 51-puntos na kalamangan sa Hong Kong.
Pinahiya ng mga Pinoy ang Hong Kong at ang star player nitong si Duncan Reid kung saan nalimita nila ito sa dalawang puntos sa unang anim na minuto at dalawang puntos din sa huling limang minuto ng ikalawang yugto para itala ang 29-puntos na kalamangan sa halftime.
Maagang uminit ang Gilas kung saan ipinakita ng mga Pinoy na may natutunan sila sa masakit na pagkatalong pinalasap ng Palestine.