Lim sinibak si Alcantara sa PCA Open quarterfinals

SA labanan ng dati at kasalukuyang tinitingalang junior player ng bansa ay nakitaan ng ibayong ningning ang laro ng 16-anyos na si Alberto Lim Jr. nang angkinin ang 7-6(5), 3-6, 6-3 panalo kay Francis Casey Alcantara sa quarterfinal round ng 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open Wildcard Tournament kahapon sa PCA clay court sa Paco, Maynila.

Tumagal ang sagupaan ng dalawang oras at 25 minuto at nakitaan ng tibay si Lim nang bumangon sa 1-2 iskor sa third set para ilinya ang sarili bilang isa sa pinakabatang kampeon ng torneo na suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, Head, Babolat, Compass/IMOSTI, Philippine Star at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.

“Si kuya Nino, ibang klase pong kalaban siya. Kagabi pa lang ay wala na akong kinakausap at iniisip lang ang larong ito. Ginawa ko lang ang lahat ng makakakaya ko mula simula hanggang sa natapos ang laro,” wika ni Lim na bago sumali rito ay nanggaling sa tatlong kompetisyon sa Estados Unidos.

Nagkaroon din ng break si Lim dahil matapos mapanalunan ang fifth game para sa 3-2 kalamangan, ang 26-anyos na si Alcantara ay inatake ng cramps sa kaliwang binti na nakaapekto sa kanyang laro.

Sunod na kalaban ni Lim si eight-time champion at number two seed Johnny Arcilla na pinagpahinga ang hitting partner na si Ronard Joven, 6-3, 6-2.

“Natalo po ako sa kanya sa huling pagkikita namin. Beterano po si kuya Johnny at gagawin ko lang po ang lahat ng makakaya ko. Noong sumali po ako rito ay gusto ko po na mag-champion pero one game at a time lang po  ako,” ani pa ni Lim.

Ibinuhos ng nagdedepensang kampeon na si Patrick John Tierro ang lahat ng lakas sa ikatlong set para kunin ang 6-4, 4-6, 6-0 panalo kay Marc Anthony Alcoseba at itakda ang pagtutuos nila ni third seed Elbert Anasta na sinibak si Rolando Ruel Jr., 7-5, 7-6(5).

Samantala, inilinya ng magkapatid na sina Clarice at Christine Patrimonio ang mga sarili sa posibilidad na magtuos para sa women’s singles title nang manalo sa mga katunggali.

Pinagpahinga ng top seed na si Clarice si Rafaella Villanueva, 6-1, 6-3, habang nakita ang tibay ni Christine nang dinaig ang second seed na si Marinel Rudas, 4-6, 6-3, 6-4.

Sa Sabado paglalabanan ang semifinals at kalaban ni Clarice si third seed Edilyn Balanga habang ang seventh seed na si Christine ay katunggali si fourth seed Maia Balce.

Tinalo ni Balanga si Shaira Hope Rivera, 6-3, 6-1, habang pinagpahinga ni Balse si Hannah Espinosa, 6-4, 6-4.

Read more...